Naniguro ng tansong medalya ang Pinoy jins na sina Levita Ronna Ilao at Samuel Thomas Harper Morrison matapos na tumuntong sa semifinals ng taekwondo event sa kasalukuyang 17th Asian Games na ginaganap sa Ganghwa Dolmens Gym sa Incheon, Korea.

Tinalo ni Ilao ang nakasagupang si Luisa Dos Santos Rosa ng Timor Leste sa women’s -49 kg. sa iskor na 6-2, habang dinurog ni Morrison si Akbar Aitakhunov ng Kyrgiztan sa iskor na 19-6 sa men’s -74 kg. upang dagdagan ang mga naiuwing medalya ng Pilipinas na 2 pilak at 5 tanso.

Sunod na makakasagupa ni Ilao sa semifinals si Zhaoyi Li ng China na bitbit ang hangarin na tuluyan ng putulin ang mahabang panahon na pagkauhaw ng Philippine Taekwondo Association (PTA) sa gintong medalya at maging ang pinakahihintay na unang ginto ng delegasyon ng Pilipinas.

Umiskor si Ilao ng tatlo sa una at ikatlong round habang dalawa lamang sa kalaban nito na si Santos Rosa sa ikaltong round upang itala ang ikalawang sunod na panalo. Una nang tinalo si Thi Huong Giang Doan ng Vietnam (3-1) sa Round of 16 bago isinunod si Santos Rosa.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Binigo naman ni Morrison ang kalaban sa pagposte ng 7 puntos sa unang round, 4 puntos sa ikalawa at 8 sa ikatlong round kontra sa 1-2-3 puntos ni Aitakhunov sa loob ng tatlong round para itala ang ikatlong sunod na panalo.

Unang tinalo ni Morrison si Soi Chun Wong ng Macau (17-0) at Yerzhan Abylkas ng Kazakshtan (10-9).

Habang sinusulat ito ay kasagupa ni Kristopher Robert Uy sa men’s -87 kg quarterfinal si Linglong Chen ng China.

Ang tanging nabigo sa delegsyon ng Pilipinas ay ang pambato sa women’s -53 kg sa Round of 16 na si Nicole Abigail kontra kay Cham Sarita Phongsri ng Thailand (0-12).

Nalaglag naman ang Volcanoes sa Rugby men’s preliminary round-Group B sa Namdong Asiad Rugby Field kontra sa China, 14-19. Sunod na makakalaban nila ang Hong Kong.

Napatalsik din sa wrestling event si Margarito Angana Jr. sa men’s Greco-Roman 59 kg 1/8 Final kontra kay Ahmadjon Mahmudov ng Uzbekistan, 0-5.