Pinasusumite ni Senator Grace Poe si Philippine National Police (PNP) Director General Alan Purisima ng ilang dokumento sa susunod na pagdinig na maglilinaw sa mga akusasyon laban sa kanya lalo na sa usapin ng kanyang statement of assets, liabilities and net worth (SALN).

Bukod sa SALN documents, nais din ni Poe na makuha ang ilang dokumento na magbibigay linaw sa kontrobersiyal na “White House,” ang opisyal na tirahan ng PNP chief sa loob ng kampo Crame.

Ito ang unang pagkakataon na dumalo si Purisima sa senate hearing matapos na makaladkad ang kanyang pangalan sa katiwalian. Sa kanyang pambungad na pananalita, sinabi ni Purisima na hindi siya magbibitiw sa puwesto at handa itong harapin ang lahat ng akusasyon laban sa kanya.

Iginiit ni Purisima na ‘ trinabaho’ siya ng isang sindikato para masagkaan ang mga reporma na kanyang ipinatutupad sa PNP.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Aniya, ang sindikato sa PNP Firearms and Explosives Office (FEO) na nawalan ng negosyo ang nasa likod ng lahat ng paninira sa kanya.

“Sa ating pagpapatupad ng mga reporma, madalas nating nakakabangga ang mga puspusang humahadlang sa pagbabago. Ang nais nila: Magpatuloy ang tiwaling sistema kung saan ang mismong proseso at patakaran ng kapulisan ay kanilang nagagamit upang pakapalin ang sariling bulsa,” dagdag ni Purisima.

Aniya, napatigil niya ang paglabas ng mga pekeng identification cards at firearms license sa mga security guard.

Sinabi ni Purisima na maging ang kanyang manukan na itinatag ng korporasyon at bahay na naipundar ay pinupuntirya din ng sindikato para mapatalsik siya sa puwesto.

Tiniyak din ni Purisima ang publiko na hindi niya papayagan sa ilalim ng kanyang liderato ang mga scalawag o bugok na pulis.