Tutulungan ng Condura Skyway Marathon ang mga sundalong nagsilbi at naging biktima ng giyera sa bansa, maging kanilang mga pamilya, sa pagsasagawa ng ikapitong edisyon ng “Run For A Hero” sa darating na Pebrero 1 sa Filinvest City sa Alabang.
Ito ang inihayag ng magkapatid na sina Ton at Patrick Concepcion, organizers ng Condura Run sa lingguhang Phillippine Sportwriters Association (PSA) forum sa Shakey’s Malate kasama sina Major General Daniel Casabar Jr. at Michelle Chan na mula naman sa benepisyaryo nito na Hero Foundation.
“We want to help our soldiers who had fallen victims to the conflicts in our country. Not only that, we also want to help their families and members with our seventh edition of our run,” sinabi ni Ton Concepcion, kung saan ipinakita nito ang magandang medalya na tulad sa pagkakakilanlan bilang isang sundalo o dogtag.
“Mayroong tayong mahigit na 700 sundalo, majority is in Mindanao, na biktima sa labanan. Nais natin silang tulungan pati na rina ang kanilang mga kaanak upang mabigyan uli sila ng sigla sa kanilang pamumuhay,” pahayag ni Maj. Gen. Casabay, ang Executive Director ng Hero Foundation.
Ang Hero Foundation ay itinatag may 26 na taon na ang nakalipas ni dating Pangulong Corazon Aquino para sa mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kung saan natulungan nito ang mahigit na 2,000 militar at napagtapos nito ang 989 na mga anak na mula sa kindergarten hanggang kolehiyo.
Paglalabanan naman sa pangunahing marathon sa bansa ang apat na kategorya na 6km, 10km, 21km at 42km.