Ni Kris Bayos
Hindi lang makapapanood ng disenteng pelikula ang mga pasahero ng mga public utility bus (PUB) kundi makaririnig na rin sila ng mga inspiring religious message mula sa isang pastor simula ngayong Oktubre.
Ito ay matapos makipagtambalan ang National Center for Commuter Safety and Protection (NCCSP) sa Magnavision upang magpalabas ng mga pelikulang may rating na General Audience at Parental Guidance sa mga pampublikong bus, sa halip na malalaswa at pirated movies ang mapanood ng mga pasahero.
Sinabi ni NCCSP President Elvira Medina na nakipagkasundo rin ang kanilang grupo sa Shepherd’s Voice Ration and TV Foundation, Inc. sa pageere ng mga religious message mula sa “Commuter TV.”
Ang NCCSP ang mamamahagi sa mga PUB operator ng mga DVD ng mga wholesome film at inspiring video na ipalalabas sa on-board television set.
“Nais namin na sa kanilang pagbaba sa bus, magiging magaan at maaliwalas ang kanilang pakiramdam, maging ang mga driver at konduktor,” paliwanag ni Medina.
“Sa kanilang pagpasok sa trabaho, ang sasabihin nila ay ‘handa na akong pumasok’ o ‘I will give my best today,’” dagdag ni Medina.
Pumayag ang Magnavision at SVRTV, kasama ang ibang grupong relihiyoso, na ipalabas nang libre ang kanilang nakaeengganyong pelikula at mga religious message sa Commuter TV.
Subalit sinabi ni Medina na ipagbibili ang mga Commuter TV DVD sa mga operator sa mababang presyo na P85 bawat isa upang mabawi ang production at distribution cost.