Ni LEO P. DIAZ
ISULAN, Sultan Kudarat – Inamin ng isang opisyal ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na maselan para sa kanilang grupo ang usapin sa pagsusuko ng kani-kanilang armas, na bahagi ng kasunduang pangkapayapaan sa gobyerno, bagamat nilinaw na hindi ito tinututulan ng MILF.
Sa panayam kamakailan kay Hadji Bayan, ng 108th MILF Base Command sa Maguindanao, sinabi niyang nasa isipan na ng maraming miyembro ng grupo ang magiging epekto ng decommissioning dahil hindi naman, aniya, kaila ang umiiral na “rido” o away pamilya sa marami sa kanilang hanay kaya mahalaga para sa kanila ang armas upang maipagtanggol ang sarili.
Bukod dito, sinabi ni Bayan na karamihan sa miyembro ng MILF ay personal na pag-aari o nabili ang gamit na baril at bala, na kakailanganing isuko alinsunod sa pinagkasunduan para sa mapayapang Bangsamoro.
Tatlo namang alkalde, na pawang tumangging pangalanan, ang nagpahayag sa maaaring epekto ng pagsusuko ng MILF ng mga armas, sinabing nakikinita na rin nila ang maaaring alternatibo ng ilang ayaw sumunod sa presensiya ng ilan pang armadong grupo na kontra sa kasunduan ng MILF sa gobyerno.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng MILF na magiging maayos ang pagsusuko ng armas ng mga miyembro nito, batay na rin sa pinagkasunduan sa Malaysia, na namagitan sa usapang pangkapayapaan.