Ito ang ikaapat na bahagi ng ating paksa tungkol sa nagbabagong pananaw sa negosyong tingian. Ang mga produktong may tatak na “Made in the USA” at kahalintulad nito ay matatagpuan sa napakaraming tindahan sa malalaking mall sa Metro Manila at sa mga lungsod ng Cebu, Iloilo, Davao at Cagayan de Oro.
Mas marami pa ang mga produktong dayuhan kaysa sa mga lokal. Sa mga malalaking tindahan, ang mga kilalang tatak ng pabango, sapatos at damit ay nakikipagtunggali sa mga sapatos mula sa Marikina at damit mula sa Taytay, Rizal. Sa mga tatak-Pilipino, nangunguna ang Blend 45 at Great Taste ng Universal Robina Corp., Café Puro ng Commonwealth Foods at Jimm’s Coffee, na nagdagdag pa ng ilang sangkap sa kanilang produktong kape.
Ang mga dayuhan din ang nauna sa produktong toothpaste, gaya ng Colgate ng Colgate-Palmolive at Close Up ng Unilever. Ang totoo, mas marami ang tatak-dayuhan (pito, ayon sa listahang hawak ko) kaysa sa mga toothpaste na tatak-Pilipino: Hapee, gawa ng Lamoiyan Corp.; Unique, gawa ng ACS Manufacturing Corp.; Beam, produkto ng Zest-O Corp. ni Alfredo Yao; at Herbaflo Herbal.
Kung bilang ng tatak ang pag-uusapan, mas marami ang sabong gawa ng mga Pilipino, nguni’t mas kilala ang Dove (Unilever), Olay, Camay at Safeguard (mula sa Procter & Gamble) dahil sa laki ng ginugugol sa mga anunsiyo sa telebisyon at iba pang uri ng pamamahayag. Mula sa mga programa sa umaga, sa mga telenovela sa hapon at gabi, at sa mga programa sa balita, ang mga produktong tatak-dayuhan ang nakikita ng mga mamimili. Bihirang mapanood, kung maryoon man, ang mga commercial ng Shield (gawa ng ACS), Ever Bilena at Mestiza (gawa ng Philusa).
Sa aking pananaw, pinahihigpit ang kumpetisyon para sa mga lokal na produkto ng tinatawag na colonial mentality ng ilang mamimili, nguni’t may mga palatandaan na ito ay nagbabago na, dahil sa pagtatagumpay ng ilang kumpanyang Pilipino.
Malimit kong banggitin ang Jollibee na isang magandang halimbawa ng produktong Pilipino na nagtagumpay laban sa mga dayuhan, at ngayon ay nakikipagtunggali na rin sa pandaigdig na pamilihan.
Dapat tularan ang modelo ng Jollibee sa iba pang larangan ng negosyo, gaya ng negosyong tingian. (Durugtungan)