Sa biglang sulyap, mahirap paniwalaan na ang Philippine College of Commerce (ngayon ay Polytechnic University of the Philippines (PUP) ay magkakaroon ng kahanga-hangang pagbabagong anyo; lalo na nga kung iisipin na ang dalawang palapag na mga silid-aralan nito na yari lamang sa mga kahoy ay halos magiba na sa kinatitirikan nito sa Lepanto St. sa Sampaloc, Maynila. Ang ilan sa mga ito na nag-iingat ng makabuuhan subalit kahindik-hindik na nakalipas ay nakatindig pa sa naturang kalye na ngayon ay Loyola St. na.
Ngayon, makalipas ang maraming dekada, ang PUP – na nagkataong nagdadaos ng Foundation Day – ay matagal nang inilipat sa isang malaking compound sa Sta. Mesa, Maynila. Ang main building nito na isang mataas na gusali ay napaliligaran ng malalaki ring mga concrete edifices na kinaroroonan ng iba’t ibang departamento o college courses; kabilang dito ang accounting, law, mass communication, information technology at iba pa.
Bilang isang pagbabalik-tanaw, ang PUP na pinamumunuan noon ni President Emeritus Dr. Nemesio E. Prudente, ay malimit na nagiging eksena ng makabayang demonstrasyon laban sa paniniil sa karapatan ng mga mamamayan, lalo na sa kalayaan ng mga mag-aaral sa laging ipinaglalaban ang academic freedom.
Sa bahaging ito naganap ang isang karanasang makapagpapasilakbo ng damdamin nang ako ay naging biktima ng police brutality – pinagtulakan kami ng mga alagad ng batas at pinagpunit-punit ang aking media ID. Nagkataon na ako, bilang isang police reporter ng Taliba – ang kapatid na peryodiko ng orihinal na Manila Times – ay nakatalaga sa mga rally sa iba’t ibang unibersidad at kolehiyo sa Metro Manila. Isang malaking kabalintunaan ang aking naranasan sapagkat noon, bukod sa pagiging isang beat reporter, ay nagtuturo pa sa PUP bilang isang part-time college lecturer sa mga asignaturang Rizal’s Life at Creative Writing. Hindi marahil kalabisang banggitin na nakasabay ko noon bilang lecturer sina Senador Blas Ople, ang nobelistang si Edgar Reyes, at iba pa.
Ang mga eksenang ito, na parang kahapon lamang, ay tataglayin ko sa aking pakikiisa sa Foundation ng PUP na ngayon ay pinamumunuan naman ni Dr. Emanuel de Guzman.