Juan Karlos 'JK' Labajo

HINDI binigo ng 13 year-old “Charmer from Cebu” na si Juan Karlos Labajo ang mga nag-abang at nanood sa kanya sa Maalaala Mo Kaya nitong nakaraang Sabado.

Napatunayan na ni Juan Karlos na mahusay siyang singer, ngayon naman ay ipinakita niya ang kanyang pagiging epektibong drama actor nang gampanan niya ang sariling papel sa istorya ng kanyang buhay sa episode na “Picture” ng MMK.

Ilang beses niyang pinaiyak ang televiewers, including this writer, sa makabagbag-damdaming mga eksena at pagganap niya.

National

Tinatayang 300,000 Pilipino, nakinabang sa 'Walang Gutom' program ng DSWD

Una’y sa pang-aaping ginawa sa kanya ng kanyang classmates. Tinawag pa siyang “mestisong hilaw” sabay ng pananakit at pagsipa sa kanya.

Ikalawa, nang akalain niyang ayaw siyang alagaan ng kanyang ina, dahil mas mahal nito ang mga anak sa bagong asawa, kaya pinatira siya sa kanyang lola at tiyuhin.

Naging traumatic kay Juan Karlos ang pagtawag niya ng long distance sa kanyang ama, isang German, sa utos ng kanyang ina. Nang ipakilala niya ang kanyang sarili, bigla siyang pinagbagsakan ng telepono ng ama.

Umagos ang masaganang luha sa kanyang mga mata, nang matuklasang may pancreatic cancer pala ang kanyang ina at dalawang buwan na lang ang itatagal nito sa mundo.

Gumuho ang mundo ni Juan Karlos, nang hilingin ng butihing ina na awitin niya ito ang paborito nilang “Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko.” Walang tigil ang kanyang pagluha at halik siya nang halik sa kamay ng ina. Naulit ang eksenang ito nang pumanaw na ang kanyang ina na yakap-yakap niya.

Ipinakita rin sa MMK ang pag-audition niya sa The Voice Kids Philippines.

“Ito po ang pangarap para sa akin ng mom ko, ang makasali sa mga ganitong auditions at mag-artista daw ako!” pagtatapat niya.

Muling nakita ang matinding paghanga sa kanya ng coaches ng The Voice Kids na sina Lea Salonga, Sarah Geronimo at Bamboo.

Nakapagtataka lang na hindi tinupad ni Bamboo ang pangako niya kay Juan Karlos na isasama niya ang young singer sa concerts kapag siya ang piliin nitong coach. Wala pa kasi tayong nababalitaan hanggang ngayon na concert ni Bamboo na kasama si JK.

‘Buti na lang at naging maagap ang MMK, agad silang naghanda ng story at script na pagbibidahan ni Juan Karlos.

A star is born in Juan Karlos, hindi lamang bilang singer kundi drama actor in the mold of John Lloyd Cruz.