Ipinagdiriwang ng global community ang International Day of Older Persons (IDOP) o senior citizens ngayong Oktubre 1 upang ituon ang atensiyon ng publiko sa matatanda bilang siang bagong lakas para sa kaunlaran. Ayon sa World Health Organization, nasa 600 milyon ang may edad 60 years at higit pa sa buong mundo. Ang bilang na ito ay inaasahang dodoble pagsapit ng 2025 at papalo ng dalawang bilyon pagsapit ng 2050.
Dahil sa makabagong medical science, umangat ang kalidad ng buhay at pati na ang level ng life expectancy. Ang daigdig ay sinabing mabilis tumanda at gumaganap ang matatanda ng kritikal na tungkulin. Marami sa kanila, tulad sa Pilipinas, ang tumutulong sa pag-aaruga sa kanilang mga apo. Sa Africa, ang mga grandparent ang nangangalaga ngayon ng mahigit 14 milyong inabandonang bata na may edad hanggang 15 ng mga magulang na namatay sa AIDS. Milyun-milyong matanda ang nagboboluntaryo sa kanilang mga simbahan, ampunan, senior citizen organization at iba pang lokal na non-government organization.
Ayon sa World Health Organization, hindi lamang sa umuunlad na mga bansa na kritikal ang tungkulin ng matatanda sa kaunlaran. Sa Spain, ang pangangalaga sa mga dependent at may sakit ay ginagawa halos ng matatanda, partikular na ang mga lola.
Ang unang IDOP ay ipinagdiwang noong Oktubre 1, 1991, kasunod ng pagkakatatag nito sa idinaos na United Nations General Assembly noong Disyembre 14, 1990 na nakatadhana naman sa Resolution 45/106. Ang selebrsyon ng IDOP ay katulad ng National Grandparents’ Day sa Amerika at Canada, ang Double Ninth Festival sa China, at ng Respect for the Aged Day sa Japan.
Lagi nating isaisip ang paraan ng kung paano natin iginagalang ang mga nakatatandang miyembro ng ating pamilya, komunidad, at lipunan ay ganoon din ang pagtrato sa atin kapag tayo naman ang tumanda na. Samakatuwid, igalang at arugain natin sila gaya nang nais nating pagtrato sa atin pagdating ng panahon.