Hindi pinayagan ng Sandiganbayan Third Division ang hiling ni Atty. Jessica Lucila “Gigi” Reyes, dating chief of staff at ngayo’y kapwa akusado ni Senator Juan Ponce Enrile sa pork barrel scam, na makagamit ng laptop computer at internet connection sa loob ng kanyang piitan.

Sa resolusyon na isinulat ni Presiding Justice Amparo Cabojate-Tang at sinuportahan nina Associate Justice Alex Quiroz at Samuel Martires, iginiit ng Sandiganbayan Third Division na ipinagbabawal ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang paggamit ng ano mang electronic device sa piitan nito sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Ayon sa mga mahistrado, walang sapat na basehan upang payagan si Reyes na makagamit ng laptop computer na may kasamang printer at internet connection.

Sa ilalim ng Republic Act 7438 or Act on the Rights of Detained Persons, iginiit ng korte na responsibilidad ng security officer ang pagbibigay ng seguridad sa mga preso at pigilan ang posibleng pagtakas nito sa pasilidad.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Unang inireklamo ni Reyes na tulad ng ibang preso, hindi siya pinapayagan ng BJMP na makagamit ng mga electronic device tulad ng mobile phone at laptop.

Aniya, maging ang kanyang mga abogado ay hindi pinapayagang maipasok ang kanilang gadget tuwing binibisita siya.

Sa kanyang petisyon, sinabi ni Reyes na makatutulong din ang laptop sa kanyang inihahandang depensa sa mga kasong kanyang kinahaharap na may kaugnayan sa multi-bilyong pisong pork barrel scam. - Jeffrey G. Damicog