DAVAO CITY— No one is above the law.
Ito ang binitawang pahayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas hinggil sa mga alegasyon ng katiwalian laban kay Philippine National Police (PNP) Chief Director General Alan LM Purisima.
“Hindi tayo magbubulag-bulagan at ano pa man ang kanyang ranggo. Wala tayong sasantuhin upang itaguyod ang reporma sa police organization,” pahayag ni Roxas sa panayam dito.
Iginiit ni Roxas na determinado ang administrasyong Aquino na linisin ang PNP laban sa mga bugok na pulis sa pamamagitan ng pagsasagawa ng lifestyle check sa lahat ng tauhan ng pambansang pulisya.
Una nang inihayag ng kalihim na unang isasabak sa lifestyle check ang mga police general upang matiyak na wala ang mga itong itinatagong kuwestiyunableng yaman.
Aniya, siya mismo ay magboboluntaryo upang unang maisalang sa lifestyle check at magsilbing halimbawa para sa 150,000 tauhan ng PNP.
“I believe in leadership by example. So if we are going to do this for the low ranking policemen, we must make sure that ranking police officers must also be subjected to the same process,” pahayag ni Roxas.
Ang pahayag ni Roxas ay kasabay ng pagsipot ni Purisima sa pagdinig sa Senado hinggil sa umano’y kuwestiyunableng konstruksiyon ng “White House,” ang opisyal na tirahan ng mga hepe ng PNP, sa loob ng Camp Crame at kanyang mansiyon sa Nueva Ecija na ideneklara sa kanyang SALN na nagkakahalaga lamang ng P3 milyon. - Aaron Recuenco