INCHEON, Korea— Naimintis ni long jumper Marestella Torres ang kanyang tsansa na makahablot ng medalya sa 17th Asian Games.
Sa pangyayari, imposible nang tapyasin ni Torres ang kanyang Asiad jinx matapos ang ikalawa sa kanyang tatlong foul attempts.
“Pero hindi na ako umiyak! Hindi na ako iiyak!,” deklarado ni Torres matapos na maibigay ang kanyang pinakamasamang performance sa international competition.
Kahalintulad sa kanyang mga nakaraang pagkatalo, ‘di ginulat ni Torres ang mundo sa pagkakataong ito.
Dumatid ito na may ipinagmamalaking mukha at sumama sa kanyang koponan sa kanilang morning huddle kahapon. Hinimok niya ang kanyang teammates na patuloy na nakikipaghamok sa events na ibigay nila ang lahat ng makakaya upang makahablot ng medal upang takasn ang kanyang pagkatalo.
“Pangalawang Asiad ko na ito na hindi ko nakuha,” saad nito. “Pero kapag nakakaharap ko sila sa Asian Championships or sa tournaments na pareho ng level, tinatalo ko naman sila. Nandito yung frustration, pero kailangan kong mag-recover.”
Si Torres ay tumapos na nasa ikaapat sa Asiad sa Guangzhou noong 2010.
“Ayokong lumabas noon. Umiyak ako ng umiyak,” pag-amin ni Torres. “Pero sabi ko kagabi, bakit ba ako iiyak? Alam ko naman na gusto ko pa din ito. Gusto kong bumawi sa mga bagay na gusto ko pero hindi naibigay. Makakabawi pa din ako.”
Inamin ni Torres na halos gusto na niyang magretiro matapos ang Guangzhou. Katunayan ay umuwi na siya sa Dumaguete na naging dahilan upang magpanik si dating PATAFA president Go Teng Kok kayat napilitan ang opisyal na padalhan ito ng plane ticket upang magbalik sa Manila.