Upang mapangalagaan ang kalusugan ng kabataan, nais ng isang konsehal na ipinagbawal sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong Valenzuela City ang pagtitinda ng mga junk food.

Ito ang binigyan diin ni First District Councilor Rovin Feliciano, kasabay ng pagsusulong ng ordinansa na nagbabawal sa pagtitinda ng tsitsirya sa loob ng mga paaralan.

Layunin ng panukalang “An Ordinance mandating all educational institutions, commercial establishments, food vendors within the City of Valenzuela to promote nutritious food beneficial to the health and general well-being of students”, na mapangalagaan ang kalusugan ng mga estudyante sa 33 barangay ng lungsod.

Sinabi ni Feliciano na sa pamamagitan ng batas na ito ay matitiyak na masustansiya ang pagkain ng mga mag-aaral at maiiiwas sa mga junk food.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nabatid sa pag-aaral ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) na ang National Capital Region (NCR) ang may pinakamaraming kabataan, edad 10-19, na hindi nababantayan ang kalusugan at mahilig kumain ng tsitsirya.

“Ito po ang dahilan kung bakit natin naisipan na gawin itong batas. Para po sa kaalaman ng mga magulang ang batang mahilig kumain ng junk foods ay nakakababa ng IQ,” ani Feliciano.

Iminungkahi ng konsehal na prutas at gulay ang dapat na makasanayang pagkain ng mga bata.

Kapag napagtibay at ganap na naging batas, ililista ng city health office, city nutrition council at local school board ang mga ikinokonseredang junk food na ipagbabawal sa mga paaralan.