LINGAYEN, Pangasinan - Muling pinaalalahanan ng pamunuan ng Pangasinan Police Provincial Office ang mamamayan, partikular ang mga nagmamay-ari ng baril, na nananatiling suspendido ang permit to carry firearms sa lalawigan.

Ito ang inihayag ni Supt. Ryan Manongdo, tagapagsalita ng Pangasinan PPO, sinabing umiiral pa rin ang suspensiyon sa permit to carry firearms outside residence simula nang maipatupad ito noong Hunyo, matapos ipag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Allan La Madrid Purisima.

Matatandaang sinuspinde ang permit to carry firearms outside residence kasunod ng ilang kaso ng pamamaril, kabilang ang pagpatay kay Urbiztondo Mayor Ernesto Balolong.

Samantala, isang Ronaldo Castillo, 39, negosyante, ng Barangay Dilan, Pozorrubio, ang inaresto ni PO3 Angelito Ricafort, matapos makitang may sukbit na .45 pistol CZ 97B sa beywang. Kargado ng magazine na may siyam na bala ang baril. - Liezle Basa Iñigo
National

Tinatayang 300,000 Pilipino, nakinabang sa 'Walang Gutom' program ng DSWD