Ni REMY UMEREZ
INDIE QUEEN ang bagong tawag ngayon kay Nora Aunor at ipinagmamalaki niya ito.
Sa listahan kasi ng may pinakamaraming indie movies na ginawa ngayong taon ay pangalan ng superstar ang mangunguna.
Matapos itanghal ang Hustisya, agad itong nasundan ng Dementia na palabas ngayon sa mga piling sinehan.
Dalawa pang indie projects na ginawa ni Nora ang ipapalabas bago matapos ang taon, ang Padre de Pamilya na pinagbibidahan nila ni Coco Martin at ang Whistle Blower with Cherry Pie Picache na kasalukuyang nagluluksa sa malaking trahedyang sinapit ng ina.
Wala nang dapat pang patunayan si Guy bilang isang alagad ng sining. Halos lahat ng parangal, maliban sa National Artist which she fully deserves, ay nakamit na niya. Kinilala rin sa mga foreign film festivals ang galing niya sa pag-arte.
Pero higit pa sa mga papuri at parangal, ang pagkakaroon ng isang box-office hit ay nananatiling mailap para sa superstar.
Hindi pa huli ang lahat kung may isang major movie company na kokonsepto ng isang mainstream project na puwedeng pagsamahan nina Guy at ng mga sikat na bituin tulad nina Bea Alonzo, Sarah Geronimo o Angel Locsin na malakas ang drawing power sa takilya.