Mabait, magalang, mapagbiro, magaling tumugtog ng gitara, magaling ding kumanta, marunong magkumpuni ng sirang appliances, at higit sa lahat, masarap magluto ang aking kuya. ang ayaw ko lamang sa kanya, hindi niya makontrol ang pagkahumaling niya sa pag-inom ng alak.
Nagsimula iyon noong nasa high school pa siya. Niyaya kasi siya ng mababait niyang barkada na mag-iinom pagkatapos ng klase. Pinangangaralan siya ni itay, binubungangaan din ni inay, at pinipilit din siyang baguhin ng ating mga ate at iba ko pang kuya… Pero walang nangyari.
Nagapi rin niya ang kanyang pagkagahaman sa alak nang aminin niyang mayroon siyang problema. Sabi ni Kuya, dumating ang emosyonal na mga sandali nang ipahayag niyang, “ako ay lasenggo”. At napatawa pa siya nang ulitin niya, “Lasenggo pala ako”. Sinasabi niya iyon sa aming magkakapatid, kina itay at inay, at sa kanyang nobya sa pabulol at mabagal na pagsalita bunga ng kalasingan. dumating na kasi ang panahon na kailangang labanan niya ang kanyang pagkasugapa sa alak. Nang sabihin niyang “Lasenggo ako”, naroon ang pag-asa ng pagbabago.
Ganoon din naman yata sa kaligtasan. Habang gumagawa ang isang tao ng mga dahilan upang mapagbigyan ang kanyang mga makasalanang gawain, hindi siya makararanas ng kaligtasan. Sa sandaling aminin niya na “ako ay makasalanan, at hindi ko kayang iligtas ang aking sarili”, ililigtas siya ng diyos mula sa kasalanan at ang nakahihilakbot na kahihinatnan niyon. ang mapagmataas at mayabang na Pariseo sa kuwento ni San Lucas ay naliligaw. Ang kolektor naman ng buwis, gayunman, ay inamin ang kanyang pagiging makasalanan at umuwing malinis.
Kung hindi mo pa nagagawa ni minsan sa iyong buhay, aminin mo ang iyong pagkakasala at tanggapin ang Panginoong Jesus bilang iyong tagapagligtas. iyong tandaan, ang kaligtasan ay para lamang sa mga makasalanan.
Kaya ng diyos na gawing pinakabusilak na banal ang pinakamaruming makasalanan.