BASCO, Batanes - Sa halip na gumamit ng mga poste sa pagkakabit ng mga kawad ng kuryente, nagdesisyon ang Batanes Electric Cooperative (BATANELCO) na magkabit na lang ng underground power cables upang mapangalagaan ang mga linya ng kuryente ng lalawigan laban sa maagang pagkasira, lalo at karaniwan nang dinadaanan ng bagyo ang isla.
Pinondohan ng P141.6 milyon, sinabi ni Karen C. Nico, ng Institutional Services Department, na nais ng kooperatiba na mapagbuti ang rural electrification sa mainland ng Batanes upang masolusyunan ang pagkasira ng mga poste ng kuryente at iba pang mga pasilidad ng BATANELCO.
Sinabi ni Nico na base sa kanilang pag-aaral, ang 25 taong itatagal ng mga electric facility ng kooperatiba ay inaabot lang ng tatlong taon dahil sa mga bagyo kaya napagpasyahang gumamit na lang ng underground cable wire, na mas makakatipid pa.