Nanatiling uhaw sa gintong medalya ang Pilipinas matapos ang 11 araw ng kompetisyon sa ginaganap na 17th Asian Games kung saan ay maagang binulaga ang Blu Girls ng Chinese-Taipei, 4-5, sa Songdo LNG Baseball Stadium sa Incheon, Korea

Gayunman, malaki pa rin ang tsansa ng Philippine women’s softball team para sa medalya kung magagawa nilang masiguro ang ikaapat na puwesto sa ginaganap na single round robin sa preliminary round.

Bitbit ng Blu Girls ang 1-3 (panalo-talo) karta matapos magwagi sa host Korea, 3-1, bago magkakasunod na nabigo sa Japan, 2-10, China 2-8 at Taiwanese. Kasalukuyang nangunguna ang Japan (3-0), ikalawa ang China (2-1), ikatlo ang Taiwan (2-1) at ikaapat ang Pilipinas.

Huling makakasagupa ng Blu Girls sa must-win na laban ngayon ang Thailand.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Samantala, nakatakdang magdagdag ng medalya sa Pilipinas sa men’s bantamweight (56kg) quarterfinal sa Seonhak Gymnasium si Mario Fernandez na sasagupain si Shiva Thapa ng India, gayundin ang London Olympian na si Mark Anthony Barriga sa men’s light fly (46-49kg) quarterfinal kontra kay Hasanboy Dusmatov ng Uzbekistan.

Target naman ni Joker Arroyo ang gintong medalya sa finals ng jumping event ng equestrian at ang taekwondo team.

Habang sinusulat ito ay sasagupa din ang pambansang atleta sa athletics sa women’s long jump final at men’s 3000m steeplechase final sa Incheon Asiad Main Stadium.

Pilit namang iaangat ng Gilas Pilipinas ang puwesto sa pagsagupa sa China sa men’s basketball classification round para sa ikalima hanggang ikawalong puwesto sa Hwaseong Sports Complex Gymnasium.

Ang bowling ay may lahok sa men’s at women’s team of 5 habang magtatangkang sumiguro ng tansong medalya si Charly Suarez sa men’s lightweight (60kg) quarterfinal kontra kay Ammar Jabbar Hasan ng Iraq habang asam naman ni Wilfredo Lopez sa men’s middle (75kg) na umusad sa quarterfinals kontra kay Waheed Abdulridha Waheed ng Iraq.