Pinag-iingat ng hepe ng Makati City Police ang mahihilig sumakay sa mga colorum na taxi laban sa bagong modus operandi ng mga driver nito na tumatangay sa mga bagahe kapag inihinto ang sasakyan na kunwari ay nagkaaberya.

Ayon sa pulisya, partikular na target ng mga taxi driver ang mga balikbayan o pasahero na patungong airport.

Sa nakalap na intelligence report ng Makati City Police, nagpapanggap na driver ang mga kawatan at namamasada ng colorum na taxi bago aatake kapag nakasilip ng tiyempo na mapababa ang pasahero para tulungan siyang itulak ang tumirik na sasakyan.

Nabatid na kahit walang problema ang taxi ay papatayin ng driver ang makina ng sasakyan at makikiusap sa pasahero na saglit na itulak ang taxi upang mapaandar ito.

National

Tinatayang 300,000 Pilipino, nakinabang sa 'Walang Gutom' program ng DSWD

Pero habang nagtutulak ang pasahero ay muling paaandarin ng driver ang taxi tangay ang mga bagahe ng biktima na nasa loob ng sasakyan.

Sinabi ng pulisya na dapat na maging alerto laban sa nasabing modus operandi ng mga pekeng taxi driver na ang tanging motibo ay makakulimbat ng gamit mula sa pasahero.

Hinimok ng hepe ng Makati City Police ang mamamayan na biktima ng nasabing modus operandi na lumantad at mag-report upang maaksiyunan ang kanilang reklamo at mahuli ang mga salarin.