Hinimok ng isang Obispo ang gobyerno na gamitin na lang na pantulong sa mahihirap at biktima ng iba’t ibang kalamidad sa bansa ang pondong gagamitin sa pagbili ng mga contraceptive.
Ayon kay Malaybalay Bishop Jose Cabantan, karapatan sa pagkain, trabaho, pag-aari sa lupa at pagbangon sa epekto ng kalamidad ang pangunahing problema ng Pilipinas na dapat ding unang tugunan ng gobyerno.
Dahil dito, hindi rin, aniya, dapat na aksayahin ng gobyerno ang pera ng mamamayan sa pagbili ng artificial contraceptives, na banta sa sagradong buhay ng sanggol sa sinapupunan ng ina.
Ipinagtataka ni Cabantan na mas pinaglalaanan pa ng gobyerno ng pondo ang pagbili ng pills at condom sa halip na gawing prioridad ang napakaraming social issue, tulad ng problema sa sektor ng edukasyon, kahirapan, kawalan ng trabaho at hustisya sa bansa.
“Use it for poverty alleviation, social justice agenda such as food, job security, land for the landless to make it productive and rehabilitation and recovery of typhoon victims. Spend it for education, can they increase the teacher’s subsidy in our rural private and public schools? So there will be no more exodus of our teachers every end of school year to public high schools,” paliwanag ng Obispo sa panayam ng Radyo Veritas.