Nagsimula nang maghanap si Pangulong Benigno S. Aquino III ng bagong administrador ng National Food Authority (NFA) na, aniya’y, may integridad at kakayahan na pamunuan ang ahensiya.

Ito ay matapos magbitiw sa puwesto bilang NFA administrator si Arthur Juan sa gitna ng alegasyon ng pangongotong na ipinukol ng isang rice trader laban dito.

Una nang sinabi ni Presidential Assistant on Food Security Francis “Kiko” Pangilinan na nagbitiw sa NFA ang 68-anyos na dating pangulo ng San Miguel Foods, Inc. dahil sa isyu ng kalusugan.

“Siyempre po ang kino-consider na criteria dito ay ‘yung qualification, kasama na diyan ‘yung integridad at track record na kakayanin ‘yung mabigat na responsibilidad ng isang NFA administrator,” pahayag ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. sa panayam sa radyo.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nagpahayag ng kalungkutan si Pangilinan sa pagbibitiw ni Juan at naniniwala ang kalihim na inosente ito sa mga alegasyon ng P15-milyong pangongotong na iginiit ng isang rice trader bilang kapalit ng muling pagbubukas ng isang bodega ng bigas na ipinasara ng awtoridad dahil sa kasong hoarding.

Inaasahang makikipagpulong ang Pangulo kay Pangilinan ngayong linggo upang talakayin ang mga suliraning kinahaharap ng NFA.

Bilang presidential assistant on food security, may kontrol si Pangilinan sa NFA at sa iba pang ahensiya ng gobyerno na may kinalaman sa agrikultura. - Genalyn D. Kabiling