Ni ELLALYN B. DE VERA
Isinusulong ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang agarang implementasyon ng pagpapabuti sa fuel standards at pag-phase out sa mga luma at nagdudulot ng polusyon na sasakyan, kaugnay ng matinding pangangailangan na mapabuti ang kalidad ng hangin sa Metro Manila.
Sinabi ni DENR Secretary Ramon Paje na nasa 70-80 porsiyento ng polusyon sa hangin sa Metro Manila ay bunsod ng usok na ibinubuga ng mga sasakyan, habang 20-30 porsiyento ang nagmumula sa mga pabrika at pagsisiga.
“Clearly, the key to improving Metro Manila’s air quality is by addressing the biggest source of pollution, which is motor vehicles,” ani Paje.
“We are therefore proposing an early implementation of the Euro 4 standards for automobile fuels and the scrapping of older high polluting vehicles,” aniya.
Ayon kay DENR-Environmental Management Bureau (EMB) OIC Director Jonas Leones, simula 2008 ay ginagamit na ng bansa ang Euro 2 emission limits, batay sa pinahihintulutan ng mga bansang miyembro ng European Union.
Gayunman, aniya, ang 5,000 parts per million (ppm) na sulfur sa Euro 2 fuel ay maaaring mapababa sa 50 ppm gamit ang Euro 4 standard, na mas kakaunti ang naidudulot na polusyon.
Ang sulfuric content sa pollutants ay nakapagdudulot ng mga sakit sa puso at baga, nagpapataas ng panganib sa cancer at maagang pagkamatay.
Hinimok din ni Paje ang Department of Transportation and Communication (DoTC) na ipagbawal na sa lansangan ang mga sasakyang mahigit 15 taon nang bumibiyahe dahil mas maraming gasolina ang nakokonsumo ng mga lumang sasakyan kaya mas marami rin itong emissions.