ANG hakbang ng Supreme Court sa pagsibak kay Justice Gregory Ong sa Sandiganbayan ay mahalaga dahil ito ang unang desididong aksiyon laban sa sinumang nasa gobyerno na nasasangkot kay Janet Lim Napoles. Tinanggal ang hukom bunga ng gross misconduct, dishonesty, at impropriety dahil sa pagkakaugnay niya kay Napoles. Napatunayang nagkasala siya sa paglabag sa New Code of Judicial Conduct for the Philippine Judiciary dahil sa pagkakaugnay niya kay Napoles sa panahon na mayroong kaso ang huli sa isang division ng hukuman na kanyang pinamumunuan bilang chairman. Maraming butas sa kontrobersiya ni Napoles magpahanggang ngayon.
Sa hanay ng mga senador at kongresita na ang kanilang Priority Development Assistance Fund (pork barrel) ay sinabing ginamit sa mga non-government organization na nakaugnay kay Napoles, tatlong senador ang kinasuhan. Nagkataon na nasa oposisyon ang tatlong leader na ito, kung kaya “selective justice” umano ito. Paulit-ulit na ipinahayag ng Department of Justice na may pangalawa at pangatlong batch ng mga kaso laban sa mga mambabatas ang inihahanda nang isampa sa Ombudsman. Ngunit wala na tayong narinig sa sinasabing karagdagang mga kasong ito.
Dahil sa isyu ng PDAF natuklasan ang Disbursement Acceleration Program (DAP) kung saan sa ilalim nito ang mas malaking pondo ang naipalabas sa iba’t ibang opisyal at mga ahensiya ng gobyerno na hindi aprubado ng Kongreso, nilaban ang probisyon sa Konstitusyon na walang salapi ng bayan ang ipalalabas kung hindi ito nakatadhana sa General Appropriations Act. Muli, walang nakasuhan kaugnay ng DAP funds.
Iniuugnay din si Napoles sa Malampaya Fund, ngunit nabigo ang Senate Blue Ribbon Committee na magtakda ng pagdinig sa bagay na ito, nakadagdag sa hinala na may mga kaalyado sa pulitika ang maaaring sangkot at pinoprotektahan.
Nang magsisimula nang isipin ng taumbayan na ang lahat ng kaso ni Napoes ay mananatiling nakabitin pa rin sa hinaharap, sa harap ng kabagalan ng pag-ikot ng gulong ng hustisya sa bansang ito, naglabas noong nakaraang linggo ang Supreme Court ng desisyon upang tanggalin ang isang hukom sa Sandiganbayan na nag-dismiss ng kaso laban kay Napoles apat na taon na ang nakararaan.
Ito rin ang parehong Supreme Court na inakusahan ng “judicial overreach” ng Pangulo. Ngunit nanatili ang SC bilang pinaka-mapagkakatiwalaang bahagi ng pambansang pamahalaan na makikita rin nang paulit-ulit sa mga opinion survey.
Sa huling aksiyon nito sa kasong kinasasangkutan ng isang miyembro ng hudikatura ang lalong nagpatingkad sa imahe nito sa mata ng sambayanan. Ito ang responsible para sa unang decided sa malawak na kontrobersiya ni Napoles. Iisipin na lang natin kung ano kaya ang mangyayari sa iba pang mga akaso – kung aktuwal itong isasampa, pagdedesisyunan at isasara sa parehong kawakasan.