ANG Setyembre 29 ay Pista ng mga Arkanghel na sina San Miguel, San Gabriel, at San Raphael, ang mga natatanging anghel na binanggit sa Banal na Kasulatan dahil sa kanilang mahahalagang papel sa kasaysayan ng kaligtasan. Si San Miguel, ang “Prince of the Heavenly Host” ay ang lider ng lahat ng arkanghel at dakilang tagapagtanggol, si San Gabriel ang tagapaghatid ng mabuting balita. At si San Raphael ay ang banal na manggagamot. Si San Miguel ay apat na beses na nagpakita – sa Aklat ni Daniel, sa Sulat ni San Hudas, at sa Aklat ng Pahayag. Si San Gabriel ay nasa Aklat ni Daniel, at Ebanghelyo ni San Lucas. Si San Raphael ay sa Ebanghelyo ni San Juan at sa Aklat ni Tobit. Ang debosyon kay San Miguel ang pinakamatanda sa debosyon sa anghel – simula noong ikaapat na siglo.

Ang Setyembre 29 ay inoobserba bilang “Michaelmas day” sa maraming bahagi ng Europe bilang parangal kay San Miguel sa panahon ng pag-aani at upang simulan ang panahon ng pangangaso. Sa Germany, Denmark, at Austria, isang espesyal na alak na tinatawag na “St. Michael’s Love” ang iniinom; sa Britain, tradisyon na ang pagkain ng gansa para sa kasaganaan, ang France ay may waffle, ang Scotland ay mayroong malalaki a lasang biskwit na cake, at sa Italy, ay ang tradisyon ng pagkain ng gnocchi.

Simula noong 1970, ang mga pista nina San Gabriel, at San Raphael ay idinagdag kay San Miguel. Sila ay tinatawag na mga “santo” dahil sila ay mga banal; sila ay mga anghel, ibig sabihin ay mga “Mensahero ng Diyos” na naghahatid ng pag-ibig at pag-asa. Binigyan ng Diyos ang bawat tao ng kanyang sariling anghel na tagapagbantay bilang tagapagtanggol at tagapamagitan. Nakasaad sa Katekismo: Mula sa pagsilang hanggang sa kamatayan, ang buhay ng tao ay pinalilibutan ng kanilang maingat na pag-aalaga at pamamagitan. Sa tabi ng bawat mananampalataya ay nakatayo ang isang anghel bilang tagapagtanggol at pastol na gumagabay sa kanya sa buhay.

Ang pangalan ng mga arkanghel ay tumutukoy sa gawaing itinalaga sa kanila ng Diyos. Ang pangalan ni San Miguel ay nangangahulugang “Siya na katulad ng Diyos” dahil tinangap niya mula sa Diyos ang trabahong protektahan ang mga mananampalataya gaya ng pagpoprotekta ng Diyos sa kanila. Ang pangalan ni San Gabriel ay nangangahulugang “Lakas ng Diyos”; tatlong beses siyang nagpakita bilang isang mensahero – kay Daniel upang ipaliwanag ang pangitain kaugnay sa Messiah; kay Zachariah upang hulaan ang pagsilang ng kanyang anak na si San Juan Bautista; kay Birheng Maria sa Annunciation, upang ipahayag na siya ang magiging ina ni Jesus. Ang pangalan ni San Raphael ay nangangahulugang “Lunas ng Diyos” dahil sa paggamot sa isang bulag na lalaki at sa paghalo ng tubig sa lawa kung saan ginamot ni Jesus ang isang paralitiko.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Ang mga debotong Katoliko ay nananalangin kay San Miguel kapag nahaharap sa tukso; kay San Gabriel upang maging masunurin sa Diyos gaya ng ginawa ni Birheng Maria; at kay San Raphael kapag sila ay may sakit o mayroong nangangailangan ng lunas.