SURE ako na na-experience mo na ito: Gusto mo sanang makausap ang sang customer service specialist dahil may damage ang nabili mong produkto. Dahil saklaw pa ng warranty ang naturang produkto, tinawagan mo ang kumpanya na gumawa niyon upang ireklamo. Ngunit ang sumagot sa iyo ay ang automated telephone operator na “All operators are busy at the moment. If you know the local number of the person you are calling please dial it now or stay on the line for operator assistance. at walang tigil na musika na ang maririnig mo hanggang mangawit ka sa kahihintay sa operator na balikan ka. Pakiramdam mo tuloy na nalimutan ka na. At dahil sa inis, kinansel mo na lang ang call mo.
Minsan, parang ganyan din ang Diyos sa atin - ang pinaghihintay Niya tayo. Dasal tayo nang dasal para pagbigyan ang matitindi nating pangangailangan pero walang nangyayari. As in wala! Ganoon din malamang ang naramdaman ni Hannah, ang asawa ni Elkanah. Dasal siya nang dasal sa Diyos, humihiling ng isang supling. Noong panahon na iyon, isang sumpa ang hindi pagkakaroon ng anak. Ang malala pa nito, walang awa siyang hinahamak ng iba pang asawa ni Elkanah. Sa loob ng maraming taon, patuloy siyang nanalangin. Ngunit pinagbigyan din siya ng Diyos kalaunan at nagkaanak siya ng lalaki na pinangalanan niyang Samuel.
Paano natin maitutugma ang waring pananahimik ng Diyos sa ating walang patlang na pananalangin? Tandaan na higit na mas mataas ang karunungan ng Diyos kaysa tao. Maaaring makasama naman sa ating ang ating hinihiling sapagkat hindi natin nakikita ang maaaring mangyari sa atin sa hinaharap. Ang ating pagtatakda ng panahon ay hindi pagtatakda ng panahon ng Diyos.
Kapag waring sinabi sa iyo ng Diyos na “All operators are busy at the moment...” huwag sanang sumamâ ang loob. Maaari mong ipagkatiwala sa Kanya ang iyong inaasam sa mga kahilingan at buong tiyagang hintayin ang Kanyang kasagutan. Kapag waring matagal bago ka balikan ng Diyos, huwag sanang mangawit at magkansela ng panalangin.