Ni GENALYN D. KABILING

Hindi pa rin ikinokonsidera ng Palasyo sina Department of Transportation and Communication (DoTC) Secretary Joseph Emilio Abaya at Philippine National Police (PNP) chief Director General Alan LM Purisima bilang pabigat sa administrasyon sa kabila ng mga kasong kriminal at iba’t ibang kontrobersiya na kinahaharap ng mga ito.

Sinabi ni Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr. na patuloy namang nagagampanan ng dalawang opisyal ang kanilang trabaho bagamat nahaharap ang mga ito sa kasong katiwalian.

Iniimbestigahan si Abaya ng Office of the Ombudsman dahil sa umano’y pagkakasangkot sa sinasabing pagmamanipula sa maintenance contract ng Metro Rail Transit (MRT) Line 3 habang si Purisima ay sinampahan ng dalawang plunder case matapos akusahan ng pagtatago ng ilegal na yaman.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Una nang sinabi ng Palasyo na nasa dalawang opisyal ang desisyon kung magbabakasyon muna ang mga ito, gaya ng panawagan ng iba’t ibang sektor upang hindi maimpluwensiyahan ang takbo ng kanilang kaso.

Sa panayam sa radyo, iginiit ni Coloma na nananatili ang kumpiyansa at tiwala ng Pangulo kay Abaya.

“Kasama rin naman siya sa unang bahagi ng paglalakbay ng Pangulo sa Europa, kung saan lumahok siya nang aktibo sa pakikipagpulong ng Pangulo sa iba’t ibang pangkat ng mga namumuhunan at nagnenegosyo sa ating pamahalaan,” pahayag ni Coloma.

Sa kaso ni Purisima, kamakailan ay idinepensa ni PNoy ang kontrobersiyal na PNP chief na inilarawan niya na isang “simpleng tao na walang luho sa katawan.”

Umapela rin ang Punong Ehekutibo na bigyan ng tsansa si Purisima na depensahan ang kanyang sarili sa pagbabalik nito mula sa pagbiyahe sa ibang bansa para dumalo sa anti-kidnapping summit