Matapos maipasa ang P2.606-trilyon na national budget para sa 2015, tututukan naman ng Kongreso ang pag-aaral sa panukala ni Budget Secretary Florencio “Butch” Abad na linawin ang kahulugan ng government savings.

Pinabulaanan ang sinasabi ng ilan na ang 2015 General Appropriations Bill (GAB) ay isang election budget, sinabi ni House Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte Jr. na handa ang Mababang Kapulungan na pag-aralan ang “An Act Clarifying the Definition of Savings and Related Concepts and the Use and Release of the Unprogrammed Funds in the Appropriation Laws and Validating the Implementation Thereof by the Executive Branch” na isinumite ni Abad sa Kongreso noong nakaraang buwan.

“The usual critics will say anything. Of course, it’s not true that the 2015 national budget is an election budget,” ani Belmonte.

“The SC decision is prospective in application, and cannot apply retroactively to practices that the decision itself traces to past administrations. That’s why we are studying the need for the other measure,” paliwanag pa niya, tinukoy ang desisyon ng Korte Suprema na nagdedeklarang labag sa batas ang ilang probisyon ng Disbursement Acceleration Program (DAP) ng gobyerno.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ni Belmonte na tutukuyin ng Kongreso ang pangangailangan maipatupad ang panukala ni Abad kapag nagbalik-trabaho na sila sa susunod na buwan. Nag-adjourn nitong Biyernes ang Kongreso para sa tatlong-linggong break at inaasahang magbabalik sa session hall sa Oktubre 20.

Idinepensa rin ni Belmonte ang paglilinaw ng Malacañang sa government savings sa 2015 GAA makaraan itong kuwestiyunin ni Bayan Muna Party-list Rep. Neri Colmenares, sinabing magbibigay-daan lang ito upang “abusuhin” ng Pangulo ang kapangyarihan ng Kongreso sa usaping budget.

“On the contrary, it allows you to use idle money instead of having to borrow with interest,” paliwanag ni Belmonte.

Suportado ng mga kaalyado ng gobyerno sa Kongreso ang nasabing panukala ni Abad, habang nangako naman ang mga kongresista ng oposiyon na gagawin ang lahat upang harangin ito.