Pilit na susuntok para sa dagdag na tansong medalya sina Charly Suarez at Wilfredo Lopez para sa nangungulimlim na kampanya ng Pilipinas sa ginaganap na 17th Asian Games sa Incheon, Korea.

Asam ng mutli-titled boxer na si Suarez na makasiguro ng tansong medalya sa paghahangad na umakyat sa semifinal round kontra kay Ammar Jabbar Hasan ng Iraq sa Men’s Lightweight (60kg) quarterfinal match,

Pilit namang uusad sa quarterfinals ng Men’s Middle (75kg) si Lopez sa pagsagupa sa Round of 16 kay Waheed Abdulridha Waheed ng Iraq.

Habang isinusulat ito ay sasagupa sa Women’s Flyweight (48-51kg) Quarterfinal si Josie Gabuco kontra kay Thi Bang Li ng Vietnam gayundin sa Women’s Lightweight (57-60kg) Quarterfinal si Nesthy Petecio kontra kay Junhua Yin ng China.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Asam din ni London Olympian Mark Anthony Barriga na umusad sa quarterfinals ng Men’s Light Flyweight (46-49kg) sa pagsagupa nito kontra Tosho Kashiwasaki ng Japan.

Samantala, bigo naman ang pambato ng bansa sa bowling sa Women’s Trios 2nd Block sa Anyang Hogye Gymnasium matapos na tumapos lamang na ika-11 puwesto sa tinipong  kabuuang 3484.

Nagtala si Ma. Liza del Rosario ng 222-212-200-179-197-181-(1191), Liza Clutario sa 164-210-184-192-192-196-1138 at si Marian Lara Posadas sa 182-159-198-222-200-194-(1155). Sunod na sasabak ang Men’s Trios 2nd Block.

Nabigo rin ang tanging lahok ng bansa sa Canoe Single (C1) 1000m Men matapos itong pumang-apat lamang sa semifinals sa Hanam Misari Canoe/Kayak Center. Itinala ni Harold Macaranas ang 1:02.99 (4) sa 500m, 2:11.38 (4)    sa 1000m; 3:19.31 (4) sa 1500m at 4:22.704 (4) sa 2000m.

Nakisalo naman sa 12-kataong liderato sa Jumping Individual 1st Qualifier sa Dream Park Equestrian ng Equestrian para sa posibleng medalya si Joker Arroyo. Sakay ng kabayong si Didi De Goedereede ay walang mali na tinalon at kinumpleto ni Arroyo ang ruta.

Magkasalo naman sa ika-135 puwesto sina Martin Diego Lorenzo at Marie Antonette Leviste na may isang penalty habang nasa ika-35 puwesto si Mateo Rafael Lorezon na nagtala ng 13 penalty.

Kasalukuyan din na sumasabak sa Men’s Road Race ng Cycling na isinasagawa sa Songdo Road Cycling Course ang SEA Games ITT gold medalist na si Mark John Lexer Galedo at bronze medalist Ronald Oranza.