Sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng 16 na bus ng Victory Liner, Inc. matapos masangkot ang isang unit nito sa aksidente noong Setyembre 21 sa Pampanga, na 22 pasahero ang nasugatan.

Sa utos ng LTFRB, mananatiling grounded nang hindi hihigit sa 30 araw ang 16 na bus ng Victory Liner na biyaheng Sta. Cruz, Zambales-Pasay City sa terminal nito sa 713 Rizal Avenue Extension, Caloocan City.

Kinumpiska rin ng LTFRB ang plaka ng mga suspendidong bus ngayong Lunes at inobliga rin ang operator na dalhin ang lahat ng unit sa Motor Vehicle Inspection Service (MVIS) ng Land Transportation Office (LTO) sa Quezon City upang sumailalim sa roadworthiness inspection.

Nagpalabas din ang ahensiya ng show cause order sa operator ng bus company upang magsumite ng written explanation kung bakit hindi dapat suspendihin ang Certificate of Public Convenience (CPC) nito.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Inatasan din ang Victory Liner na magpadala ng mga kinatawan upang dumalo sa pagdinig ng kaso sa Oktubre 7, 2014 sa tanggapan ng LTFRB habang ang driver ng mga suspendidong bus ay sasailalim sa road safety seminar.

Matatandaan na sumalpok ang isang Victory Liner bus na may plakang CXL-581 sa isang 14-wheeler truck sa North Luzon Expressway (NLEX) sa Mexico, Pampanga noong Setyembre 21, na namatay ang konduktor nito at sugatan ang 22 pasahero. - Carlo Suerte Felipe