KAHIT MAY KALAMIDAD ● Sa napipintong pagsabog ng bulkang Mayon, nakikipag-ugnayan ang mga school official sa lokal na pamahalaan upang matugunan ang pangagailangan ng mga batang estudyante sa mga evacuation center. Ayon sa Department of Education (DepEd), kasalukuyang itinataguyod ang mga hakbanging inilatag upang matiyak ang tuluy-tuloy ang pag-aaral ng mga bata, gayundin na malapatan ng lunas ang mga nagkakasakit bunga ng matinding init at pagsisiksikan sa mga pansamantalang tinutuluyan ng mga residente. Malaki nang ginhawa ang idinulot ng pagkakaloob ng UNICEF ng mga tent para sa mga estudyante.
Ayon sa DepEd, 28 paaralan na direktang apektado ng napipintong kalamidad ang nagpanumbalik sa mga klase. “DepEd has implemented interventions to foster a sense of normalcy among learners,” pahayag ng DepEd at binanggit na masusi nilang sinusubaybayan ang pag-aaral ng lahat ng estudyante. Binigyan-diin pa ng DepEd na matamang din nilang binabantayan at pinagkakalooban ng suporta ang mga guro at non-teaching personnel. Hindi nga dapat isinasantabi ang pag-aaral ng mga bata kaya mainama ang hakbanging ito ng DepEd sa pakikipagtulungan ng mga pamahalaang lokal upang huwag magkaroon ng patlang sa pagtamo ng karunungan ng kabataan.
UNA SA LAHAT ● Tiniyak ni Pangulong Noynoy Aquino na matinding proteksyon ang ibibigay ng Presidential Security Group (PSG) sa pagbisita sa bansa ni Pope Francis sa Enero 2015. Ang pahayag ay bunsod ng pagbabanta ng group na Islamic State of Iraq and Syria (ISIS). Anang Pangulo: “Kung ano ‘yung iniaafford sa akin ng PSG na effort, titiyakin kong double the effort, especially for the head of the Holy Mother Church ang ibibigay sa kanya”. Darating si Pope Francis sa bansa para sa isang official state visit bilang Vatican head of state at para na rin sa misyon ng Simbahang Katoliko sa Enero 2015. Matatandaan na napigilan ang assassination plot kay dating Pope John Paul II sa pagbisita nito sa Pilipinas. Dagdag pa ng Pangulo na hindi na mauulit ang ganoong pangyayari kaya dapat walang dapat ikabahala sa pagparito ng Lider ng Simbahang Katoliko. Gayunman, sama-sama nating idalangin ang kaligtasan ng pinagpipitagang Pope Francis – ang ilayo siya sa lahat ng uri ng kapahamakan, una sa lahat.