Nina MADEL SABATER-NAMIT at INA HERNANDO-MALIPOT
Tiniyak kahapon ng Malacañang na makatatanggap ng tulong ang Albay mula sa gobyerno habang patuloy ang pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Ito ay kasunod ng napaulat na pagpapasaklolo ni Albay Gov. Joey Salceda sa gobyerno ngayong patuloy na kumakaunti ang quick response funds ng Albay dahil sa paglikas ng mga residenteng malapit sa bulkan.
“Handa naman po tayong tumulong sa Albay,” sabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte.
“I’m sure that sina (Social Welfare) Secretary (Dinky) Soliman and the NDRRMC (National Disaster Risk Reduction and Management Council) are the ones that can lend assistance to Albay because of the prolonging situation of the evacuation,” aniya.
“Handa naman po tayong umalalay pagdating po sa ganyang usapin. Kung ano po ‘yung puwede nating mapoprovide,” dagdag pa ni Valte.
Nakataas pa rin ang Alert Level 3 sa Bulkang Mayon na patuloy na nagaalburoto dahil sa paggalaw ng magma sa loob nito, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa Alert Level 3, nangangahulugang ang magma ay nasa crater at posible ang mapanganib na pagsabog sa mga susunod na linggo.
Inirekomenda rin ng Phivolcs na istriktong ipatupad ang 6-km radius Permanent Danger Zone (PDZ) sa paligid ng bulkan at ang 7-km Extended Danger Zone (EDZ) sa timog-silangan nito dahil sa panganib ng mga pagguho ng bato at lupa at biglaang pagsabog.
Kaugnay nito, nanawagan naman ang Department of Education (DepEd) ng donasyon para sa mga estudyanteng naapektuhan at lumikas sa Albay.
Sa opisyal na Twitter account (@DepEd_PH) nito, umapela ang DepEd sa publiko at sa mga pribadong indibiduwal at organisasyon na tulungang maibalik sa normal ang mga eskuwelahang naapektuhan sa nakaambang pagsabog ng Mayon.
Humihingi ang DepEd ng mga donasyong tarpaulin o tent—partikular ang may sukat na seven by nine (7x9) meters — na magagamit ng mga estudyante at guro bilang pansamantalang silid-aralan.
Kailangan din ng mga upuan, learners’ kits na may notebooks, papel, lapis, ballpens, crayons, rulers, gunting, pencil sharpeners at glue o paste.
Ang mga magdo-donate mula sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan ay maaaring magbigay ng kanilang donasyon sa DepEd Central Office sa DepEd Complex, Meralco Avenue sa Pasig City. Puwede rin sa DepEd Region V Office sa Rawis, Legazpi City. Ang cash donation ay naman ay tatanggapin sa (Account Name) DECS OSEC TRUST na may account number na 0672-1000-20, sa Land Bank.