Magsasagawa ang Kawit City ng isang alternatibong paraan para turuan ang mga kabataan sa programa nitong ‘Story Telling’ na isasabay naman sa family-oriented at physical fitness program na PSC Laro’t-Saya, PLAY N’LEARN na ginaganap sa Aguinaldo Freedom Park sa Cavite.

Inihayag ni Kawit Vice Mayor Paul Abaya, nakilaro’t-saya kasama ang mahigit na 200 sumali sa aktibidad kahapon, na isa lamang ito sa iimplementahang programa para sa mga kabataan at magulang, at maging ang buong komunidad sa Cavite.

“We will be launching an all-out campaign on the ‘Breast Cancer Awareness’ tentatively by October 18. Also, we will have a Story Telling session for the kids so iyong mga parents can continue joining the sports they want to join most especially sa favorite ng marami na aerobics-zumba,” sinabi ni Abaya.

Ipinaliwanag ni Abaya na ang ‘Breast Cancer Awareness’ program ay isang paraan ng siyudad upang maiwasan ang mga kababaihan sa nakakamatay na sakit na naranasan mismo ng kanyang lola at pamilya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“We really want a healthy living in our city kaya gusto natin na maging lugar ang Aguinaldo Freedom Park ng mga activity para sa ikalulusog ng ating katawan at maging sa pagtuturo sa ating mga kabataan ng importansiya ng sports at dagdag edukasyon din,” giit ni Abaya.

Samantala, iniusog naman ang dapat sana’y pagsasagawa ng programa kahapon na inendorso ng Palasyo ng Malakanyang para sa community-based sports grassroots program sa Lungsod ng Paranaque.

Umabot naman sa kabuuang 200 katao ang dumalo sa Aguinaldo Freedom Park kung saan ay 120 ang sumabak sa aerobics, 26 sa badminton, 12 sa taekwondo at 42 sa volleyball.

Kabuuang 443 katao naman ang sumali sa Quezon City Memorial Circle kung saan ay 340 ang sumabak sa aerobics, arnis (23), badminton (20), football (20), karatedo (20) at volleyball (20).