Nasiguro ng Mapua ang ikalawang Final Four spot matapos makamit ang ika-12 panalo sa labinlimang laro sa pamamagitan ng paggapi sa Arellano University (AU), 96-75, kahapon sa pagpapatuloy ng NCAA Season 90 juniors basketball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Dahil sa panalo, nakopo ng Red Robins ang solong ikalawang puwesto kasunod ng namumuno at una nang semifinalist na San Beda College (SBC) (13-3) na kasalukuyang naglalaro habang sinusulat ang balitang ito kontra sa Jose Rizal University (JRU).

Bunga din ng kanilang tagumpay, may tsansa pa silang makaungos sa No. 1 spot kung magagawa nilang mawalis ang huling nalalabi nilang tatlong laro kontra sa Letran Squires, JRU Light Bombers at CSB-La Salle Greenhills.

Napag-iwanan pa sa pagtatapos ng first quarter, 14-19, rumatsada ang Red Robins sa second period sa pamumuno nina Sherwin Concepcion at Jasper Salenga upang makabig ang liderato sa halftime, 51-30.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Mula doon ay hindi na sila muling lumingon pa upang maangkin ang panalo.

Tumapos na top scorer para sa Red Robins si Concepcion na may 25 puntos bukod pa sa 8 rebounds, tig-1 assist at steal at 3 shotblocks.

Sa kabilang dako, nanguna naman sa napatalsik na Braves na bumagsak sa barahang 5-11 si Jason Strait na may 21 puntos, 6 rebounds, 2 assists, 1 steal at 2 blocks.