Nagkaroon ka na ba o may kakilala kang nagkaroon ng tigdas? Na nagsimula sa isang maliit na mapula at makating tuldok sa iyong balat. Kalaunan, dumami na ang makakating butlig na iyon sa buo mong katawan at doon mo lang nalaman na may sakit ka na pala. Pero hindi kinailangang lumitaw ang napakaraming butlig na iyon upang malaman na mayroon ka nang tigdas. Sa isang butlig lang, alam mo nang nasa sistema mo na ang tigdas, nasa loob mo na, dumadaloy sa iyong dugo, nasa bawat ugat, nasa bawat hibla ng iyong katawan.
Parang ganyan din ang kasalanan. Mula sa pag-iisip lang hanggang sa paggawa ng mali ay nagpapakita na taglay mo ang nakamamatay na sakit ng kasalanan. Kahit isang tuldok ng kasalanan ay nagpapakitang ikaw ay makasalanan.
Maaaring sabihin mong “Aba eh, teka muna. Mabait ako. Katiting lang na kasalanan ang nagagawa ko pero hindi ako makasalanan.” Siyempre ayaw nating isipin na makasalanan tayo. At kung hindi natin iniisip na makasalanan tayo, maaaring isipin din natin nahindi natin kailangan si Jesus. Dumating si Jesus upang iligtas ang mga makasalanan, hindi ang mabubuti. Aktuwal Niyang tinatanggihan ang mga taong nag-iisip na mabuti sila, at hindi naman Niya matanggihan ang mga taong umaamin na malala na ang kanilang pagkakasakit ng kasalanan.
Nagkakasala tayo dahil tayo ay makasalanan. Nasa sistema na natin iyon, nasa loob natin, dumadaloy sa ating dugo, sa bawat ugat, sa bawat hibla ng ating katawan at pagkatao. Ang kasalanan ay hindi lamang paglabag sa Sampung Utos ng Diyos o sa anumang listahan ng mga dapat at hindi dapat gawin. Higit pa ito sa ating ginagawa; ito ang ating pagkatao. Tayo ay natural nang makasalanan.
Ngunit hindi iyan ang katapusan ng istorya. Mayroon tayong pag-asa bilang mga makasalanan. Alam ng Diyos na mahihirapan tayong magpakabuti, alam din Niya na mangangaikangan tayo ng isang magliligtas sa atin mula sa nakamamatay na sakit ng pagkakasala. Kaya isinugo Niya ang ang Kanyang Anak - ang Dakilang Manggagaamot - upang maging lunas para sa atin. Ang mabuting balita ng ebanghelyo ay maaari tayong baguhin mula sa pagiging malalang makasalanan hanggang maging napatawad na makasalanan sa pamamagitan ng pananampalataya