Hinatulan ng Makati Regional Trial Court(RTC) Branch 64 ng habambuhay na pagkabilanggo ang tatlong drug dealer na napatunayang guilty sa kasong illegal possession at pagbebenta ng droga sa tatlong barangay sa lungsod noong 2012 at 2013.

Nasentensiyahan ng life imprisonment sina Francis Halipa, Rogelio Alvardo at Arnel Ambrosio na naaresto sa magkakahiwalay na buybust operation noong Enero 1, 2012 sa Barangay Guadalupe Viejo; Nobyembre 26, 2012 sa Barangay Rizal; at Hunyo 18, 2013 sa Barangay Tejeros.

Ayon kay Makati RTC Judge Gina M. Bibat-Palamos ng Branch 64, batay sa iprinisinta na dokumento at mga ebidensiya, napatunayang guilty ang tatlo sa paglabag sa Section 5 (selling and dealing) at Section 11 (illegal possession) sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165) na may parusang habambuhay na pagkabilanggo.

Pinagbabayad din ng hukuman ang mga akusado ng halagang P400,000 sa possession at P500,000 sa drug peddling.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sina Alvarado at Halipa ay nahatulan noong Agosto 6 at 27 habang si Ambrosio ay noong nakaraang Setyembre 6.

Ipinaabot ni Supt. Jaime Santos, operations chief ng Makati Anti-Drug Abuse Council (MADAC), kay Makati Mayor Jejomar Erwin S. Binay ang naging desisyon ng korte na life imprisonment sa tatlong drug dealer . Ito aniya, ang resulta sa patuloy nilang pagsugpo sa illegal drugs sa Makati City.

Pinuri ni Santos ang matagumpay na pagkakaaresto at prosecution sa tatlong drug offenders ng pinagsanib na puwersa ng MADAC at Station Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (SAISOTG) ng Makati Police Department.