BERLIN (AFP)—Isang pambihirang bakas ng Berlin Wall ang nananatiling nakatayo sa dulo ng isang masukal nang landas sa tabi ng Spree River ngunit sa nalalapit na 25th anniversary ng pagbagsak ay nanganganib ang relic.
Mabilis na tinibag ng mga Berliner ang kinamumuhiang Wall nang mga sumunod na buwan ng pagsasaya matapos ang Nobyembre 9, 1989, nang sa wakas ay binuksan ang hangganan ng East at West.
Ngayon, lumalakas ang panawagan sa Germany na ipreserba ang huling kongkretong testamento ng paghahati sa bansa noong Cold War.
Ang pinag-aawayang mga lugar ng pagkasira ay kinabibilangan ng isang 18-metrong tadtad ng graffiti na bahagi ng Wall sa pampang ng ilog, gayundin ang mga bakod na nababalot ng kinakalawang nang barbed wire at matataas na lampara na humaharang sa sinumang nais pumuslit sa kadiliman ng gabi.
Ang maikling paglalakad patungo sa landas ang tinatawag ng mga historian na pinakamahalagang bahagi sa lahat: isang “bunker” na dating kinalalagyan ng tatlo sa 26 speedboat na sinasakyan ng mga nagpapatrulyang border guard na handang habulin ang mga nagnanais na lumangoy para sa kanilang kalayaan.
Animo’y mga naunang pelikula ng James Bond, ang madilim, basa at kongkretong kuweba na nakatayo sa tubig ay kumpleto ng 1960s-era emergency telephone at mga inaamag nang life jacket na nakasabit sa mga pader.
Ang mga ito ay bumubuo sa natatanging alaala na naging saksi sa panahon na handa ang East Germany na paslangin ang sariling mamamayan sa halip na hayaan silang umalis ng bansa.
Matapos ang ilang dekada na ito ay isang no-man’s land, ang lugar ay isa na ngayong prime cut ng real estate sa nakamamanghang tanawin ng Spree.
At ang kaunlarang ito ay nangangahulugang kailangan nang tibagin ang Wall.
Ang cultural historian na si Eberhard Elfert, 56, ay nagtatag ng grupo para sagipin ang tinawag nilang Luise Nord, ipinangalan sa matagal nang nakalimutang pre-war district ng Luisenstadt.
“This year we will celebrate the fall of the Wall in Berlin and there’s a lot of money being spent to show where it stood,” aniya sa AFP. “And on the other hand, city planners want to tear down remnants of the Wall to build a street. It makes no sense.”
Binigyang diin ni Axel Klausmeier, pinuno ng Berlin Wall Memorial Foundation, na ang boat bunker ay napakahalaga sa kasaysayan. “We are overrun by tourists and what do they want to see? The Wall,” aniya.
Ang mga planong tibagin ang nalalabing bahagi ng Wall ay nagbunsod ng maiingay na protesta sa mga lansangan, na sinamahan ng US celebrity na si David Hasselhoff, na nananatiling cult star sa Berlin dahil sa kanyang konsiyerto sa Wall noong 1989 New Year’s Eve.