Ang unang santong Pilipino ay si San Lorenzo Ruiz, na ang kapistahan ay Setyembre 28. Siya ang unang Pilipino na protomartyr (unang martir na Kristiyano sa isang bansa o sa hanay ng isang religious order). Siya ay na-beatify sa pagbisita sa Manila si St. John Paul II noong Pebrero 18, 1981, ang unang beatification ceremony sa kasaysayan na idinaos sa labas ng Vatican. Itinaas siya sa pagkasanto at na-canonize sa Vatican noong Oktubre 18, 1987, ni St. John Paul II rin. Tungkol kay San Lorenzo, sinabi ni St. John Paul II: Ang pananampalataya at buhay para sa kanya ay magkasinghalaga at hindi napaghihiwalay. Ang buhay na walang pananampalataya ay walang halaga. Pinatunayan niya na ang kabanalan at kabayanihan ay para sa lahat.

Ang debosyon kay San Lorenzo ay laganap sa Katolikong Pilipinas at sa ilang bahagi ng daigdig kung saan naka-display ang kanyang estatwa sa mga simbahan at kapilya at nagdaraos ng mga misa at novena bilang parangal sa kanya, lalo na sa araw ng kapisyahan niya. Ang selebrasyon ay nakasentro sa sinauna pang Minor Basilica at National Shrine ni San Lorenzo Ruiz (Our Lady of the Most Holy Rosary Parish) sa Binondo, Manila kung saan siya namuhay nang may kabanalan. Isang misa, novena, pagbabasbas ng mga deboto at pagaalay ng mga bulaklak ay idaraos sa kanyang estatwa sa harap ng naturang simbahan.

Isinilang si San Lorenzo sa Manila noong 1600, sa ama niyang Chinese at inang Pilipina. Naglingkod siya bilang sakristan sa Binondo Church kung saan aktibo siya sa Confraternity of the Rosary. Natamo niya ang titulong “escribano” dahil sa husay niyang magsulat. Ikinasal siya sa isang Pilipina nagkaroon siya ng dalawang anak na lalaki at isang anak na babae. Inakusahan sa isang krimen, nagtungo siya sa Japan noong Hunyo 19, 1636 kasama ng mga paring Dominicano, sa panahon ng nararanasan ng mga Kristiyano ang kalupitan sa naturang bansa.

Inaresto si San Lorenzo at ang kanyang mga kasama, ikinulong, at pinahirapan. Pinatutunayan ng mga dokumento na inalok sila ng mga Japanese ng ligtas na biyahe pauwi kung isusuko nila ang kanilang pananampalataya. Tumanggi sila at piniling panatilihing matapat sa kanilang relihiyon. Nagpatuloy ang pagpapahirap sa kanila kung kaya nauwi sila sa kamatayan.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Noong Setyembre 27, 1637, binitay si San Lorenzo Ruiz sa kanyang mga paa, inilaglag siya sa isang hukay sa Nishizaka Hill, Nagasaki. Pagkalipas ng dalawang araw ng pagdurusa, namatay siya sa pagdurugo at kakapusan ng hininga. Na-cremate ang kanyang bangkay at isinaboy sa dagat ang kanyang abo.

Ayon sa mga kuwento ng misyunerong Latino na ipinabalik sa Manila, idineklara ni San Lorenzo bago siya namatay: “Ako ay Katolilko at buong pusong tinatanggap ang kamatayan para sa Panginoon. Kung may sanlibong buhay ako, ang lahat ng iyon ay iaalay ko sa Kanya.”