Pag-aaralan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng four-day work week scheme na inaprubahan kamakailan ng Civil Service Commission (CSC).

Pinasalamatan ni MMDA Chairman Francis Tolentino ang napapanahong desisyon ng CSC na aprubahan ang nasabing scheme sa harap na rin ng tumitinding pagsisikip ng trapiko dahil sa kabi-kabilang pagawain sa Metro Manila.

Sinabi ni Tolentino na buo ang suporta ng MMDA sa bagong work schedule ng mga kawani ng gobyerno, na bukod sa inaasahang makapagpapaluwag ng trapiko ay makatitipid pa sa konsumo ng kuryente.

Sa ilalim ng bagong scheme, magdedesisyon ang mga tanggapan ng gobyerno sa Metro Manila sa boluntaryong pagpapatupad nito mula Martes hanggang Biyernes o Lunes hanggang Huwebes. Ang mga kawaning saklaw ng scheme ay papasok mula 8:00 ng umaga hanggang 7:00 ng gabi, at may isang oras na lunch break.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

”The new office hours of the participating agencies will be posted on the CSC website and on www.gov.ph,” saad sa resolusyon ng CSC.

Samantala, sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na pagaaralan pa kung ipatutupad ang four-day-work week sa Malacañang, sinabing kailangang ikonsidera ang abalang schedule ni Pangulong Benigno S. Aquino III at ang productivity ng mga kawani nito.

Sinabi ni Lacierda na ang Pangulo ay may “many engagements” sa bawat linggo at minsan ay wala nang rest day. “Being the Office of the President, where there are a number of meetings that the President on a daily basis engages in, that will be part of the factor [na ikokonsidera],” aniya. - Anna Liza Alavaren, Nannet Valle at Genalyn Kabiling