Ni ANTHONY GIRON

ROSARIO, Cavite – Tinawag ng mga lokal na opisyal ng Rosario ang Maalimango River na patay na ilog makaraang matuklasan na nakukulapulan ito ng isang kemikal na nakamamatay sa isda at sa iba pang lamang dagat.

Idineklara ni Mayor Jose “Nonong” Ricafrente Jr. na patay na ang ilog batay sa paunang findings ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nagsabing ang biglaang paglutang ng mga patay na isda sa ilog noong Huwebes ng umaga ay dahil sa “lack of oxygen and a still unknown chemical.”

Sa isang pahayag, sinabi ni Ricafrente na ang finding ay batay sa paunang laboratory analysis report na nakuha niya mula sa BFAR bandang 3:00 ng hapon noong Biyernes.

Probinsya

Lalaking nagdiriwang ng kaarawan, patay nang saksakin dahil sa ingay ng videoke, speaker

Dahil dito, ipinag-utos ni Ricafrente ang pagbabawal sa mga residente sa ilog, gayundin ang imbestigasyon sa insidente.

“It’s dead (tinukoy ang Maalimango River), the fish and other marine species will not live in the river,” ani Ricafrente.

Ang Maalimango River ay isang mahigit isang kilometrong ilog sa mga barangay ng Bagbag I at II, Tejero I at Ligtong I, II, III, IV. Ayon sa matatanda, minsang pinamahayan ng mga alimango ang ilog.

Umaga nitong Huwebes nang biglang maging usap-usapan ang ilog nang libu-libong patay na isda, kabilang ang tilapia, banak at acebe, ang lumutang sa ilog.

Unang namataan ang makapal na naglutang na isda malapit sa bukana ng Manila Bay sa Bagbag.

Ito ang unang insidente ng fish kill sa Rosario.

Nilinis ng Bantay-Bayan at ng mga tauhan sa barangay ang may isang tonelada ng patay na mga isda mula sa ilog hanggang noong Biyernes.

Sinabi ni Ricafrente na aabot sa mahigit P1 milyon ang nalugi dahil sa fish kill.

Ayon sa mga source ng may akda sa munisipyo, hinala nila ay isang tumagas na kemikal ang sanhi ng fish kill.

Kaugnay naman ng natuklasan ng BFAR, sinabi ni Ricafrente na magpapatawag siya ng imbestigasyon sa susunod na linggo.

“The chemical was not mentioned by BFAR. We are just waiting for the final finding report of the BFAR expected to be released on Monday (Setyembre 29),” anang alkalde.

Sinabi naman ng sources, na ayaw pangalanan, na posibleng nagmula sa mga pabrika ng kemikal ang pagtagas.

Sinabi ni Ricafrente na magpapatawag siya ng pulong sa mga operator ng industrial company sa EPZA (Economic Processing Zone Authority) kapag nakuha na niya ang final finding mula sa BFAR.