Nagpapapansin lang ang Abu Sayyaf Group sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) kaya nilakihan ang hiling na ransom money sa dalawang bihag na German sa Patikul, Sulu.
Sinabi ni Department of National Defense Sec Voltaire Gazmin, propaganda lamang ang ginagawa ng Abu Sayyaf at binigyang diin ng kalihim na hindi sila makikipagkasundo at makikipag-usap sa mga bandido.
Humihingi ang ASG ng P250 milyon ransom kapalit ng kalayaan ng dalawang bihag na German at nagbanta na pupugutan ang isa sa mga ito sa Oktubre kapag hindi naibigay ang kanilang kagustuhan. Hiniling din nila na umatras ang Germany sa pagsuporta sa US upang durugin ang ISIS. Bihag ngayon ng grupo ang sampung dayuhan.