Isa pang kaalyado ng administrasyon ang nahaharap sa mga kaso ng korupsiyon ngunit mabilis na nagpahayag ng suporta ang Malacañang kay Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na handa si Abaya na linisin ang sariling pangalan sa umano’y maanomalyang kontrata sa Metro Rail Transit (MRT) Line 3, pero hindi siya oobligahing mag-leave habang iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman. “This is another arena where Secretary Jun Abaya will be willing and ready to face whatever accusation is hurled against him,” sinabi ni Lacierda sa news conference sa Palasyo noong Biyernes. “But as always, asking a person to whether a person should take a leave is a personal decision.”
Ipinag-utos kamakailan ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang preliminary probe kay Abaya at sa iba pang opisyal ng Department of Transportation and Communications (DoTC) dahil sa umano’y maanomalyang maintenance contract para sa MRT-3.
Nangako naman si Abaya na haharapin ang imbestigasyon ng Ombudsman.
Nauna rito, idinepensa ni Pangulong Benigno S. Aquino III si Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Alan Purisima mula sa mga alegasyon ng mga sekretong yaman, matapos itong kasuhan ng plunder ng isang grupo ng mga consumer.
Hinimok naman ni Senator Grace Poe si Purisma na mag-leave muna upang maproteksiyunan ang integridad ng pulisya, pero sinabi ng Malacañang na nakasalalay ito sa “sound discretion” ng PNP chief. - Genalyn D. Kabiling