VENICE (Reuters) – Wala nang iba pang balita sa Rialto noong Biyernes kundi ang pagdagsa ng A-listers sa Venice upang dumalo sa kasal ni George Clooney sa human rights lawyer na si Amal Alamuddin.
Nakatakdang tapusin ng two-time Oscar winner at Kentuckyborn na si George, 53, ang kanyang oath of bachelorhood para pakasalan ang abogadong British-Lebanese na si Amal, 36, sa multi-day extravaganza sa naturang lungsod ng Italy.
Sumakay sa water taxi si George at ang kanyang bride-to-be sa Grand Canal noong Biyernes, at mas maraming taxiboat na may asul na bandila na naiimprentahan ng initials na “A” at “G” ang naghihintay noong umaga sa airport ng Venice para ibiyahe ang mga bisita, kabilang si Ellen Barkin, ang katambal ni George sa Ocean’s Thirteen.
Dumagsa naman ang mga turista at Venetians noong Biyernes ng gabi sa pier malapit sa seven-star na Aman Canal Grande Hotel, isang fresco-filled palazzo na napaulat na inupahan ng magkasintahan para sa seremonya at reception noong Sabado.
Kabilang sa mga umaasang masusulyapan man lang ang kahit isa sa mga glamorosong panauhin — na sinasabing nasa 150 —si Osmany Mena, 37, na dumayo pa sa Venice mula sa Miami, Florida.
“They talked about Sandra Bullock, Brad Pitt, Angelina Jolie. It would be cool to see any of them, all of them,” sabi ni Mena, tinukoy ang co-star ni George sa 2013 blockbuster na Gravity at ang kakakasal lang na Hollywood power couple.
Iniulat ng local media na Biyernes ng hapon naman nang dumating si Matt Damon, bida sa The Talented Mr. Ripley at The Bourne Identity, sa airport sa Lido island ng Venice.
Matatandaang sumumpa si Clooney na hindi na muling magpapakasal nang madiborsiyo sa aktres na si Talia Balsam noong 1993.
Kabilang naman sa mga naging kliyente ni Amal si dating Ukrainian Prime Minister Yulia Tymoshenko, na ipinagtanggol niya sa European Court of Human Rights, at ang WikiLeaks founder na si Julian Assange sa extradition proceedings ng huli. Kumonsulta rin kay Amal si dating United Nations Secretary General Kofi Annan.
Nagsimula noong Oktubre ng nakaraang taon ang relasyon nina George at Amal, ayon sa media reports, at na-engage nitong Abril.
Ang opisyal na seremonya ay inaasahang idaraos sa Lunes, sa munisipyo ng Venice, ang 14th-century Ca’ Farsetti palace, at napaulat na ang dating alkalde ng Rome na si Walter Veltroni ang magkakasal sa magkasintahan.