Pito katao ang naaresto habang nagbabalot ng shabu na nakatakdang ibenta nang salakayin ng pulisya ang tinutuluyang motel ng mga ito sa Cagayan de Oro City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng Cagayan de Ora Police Office, ang mga suspek na sina Monaliza Mesa ng Tagoloan, Misamis Oriental; Lorna Yecyec ng Barangay 17 ng Cagayan de Oro; Lea Mae Yero ng Gingoog City; Lorna Raperta, Manuel Dago-oc ng Opol, Misamis Oriental; Jacques Sapulescas at Alex Labitad ng Iligan City.
Sinampahan ng kasong paglabag ng Republic Act 9165 (Dangerous Drugs Act of 2002) ng pulisya laban sa pitong tulak na naaresto sa loob ng Beatriz Inn sa Cruz Taas-Capistrano Streets ng naturang Lungsod.
Sinabi ni Chief Insp. Victor Cacdac, hepe ng Divisoria Police Station na naaresto ang mga suspek habang abala ang mga ito na nagbabalot ng shabu sa platic sa loob ng silid ng mga nasabing motel.
Nakuha mula sa mga suspek ang may 50 gramong shabu at drug paraphernalia at nakapiit sa Maharlika Detention Center.