MASUWERTE ang mga magulang ni Tom Rodriguez sa pagkakaroon ng isang anak na mapagmahal, responsable at mas isinasaalang-alang ang kapakanan ng ibang tao kaysa sa sarili.
Ang prioridad ng actor kahit noong nagsisimula pa lang siya sa showbiz ay bigyan ng mabuting pamumuhay ang kanyang pamilya. Bilang nakakatandang kapatid, inako niya ang responsibilidad na tulungan ang mga ito sa kanilang pag-aaral. Ang goal niya sa kasalukuyan ay maipagpatayo ng sariling bahay ang kanyang mga magulang sapul nang madesisyong dito na sa Pilipinas pirmihang manirahan.
Twelve years old si Tom nang magmigrate sa San Francisco, USA ang kanilang pamilya. Kahit tapos siya ng Digital Animation ay naging mailap sa kanya ang trabaho. Nagdesisyon ang pamilya na muling bumalik sa Pilipinas.
Pinasok ni Tom ang showbiz via Pinoy Big Brother Double Up. Dumating ang biggest break nang lumabas sila ni Dennis Trillo bilang lovers sa kontrobersiyal na teleseryeng My Husband’s Lover ng GMA. Nasundan ito ng My Destiny, another big hit.
Masasabi na ang mga biyayang tinatamasa ni Tom ngayon ay gantimpala sa kanyang pagiging huwarang anak na gustong panatilihing buo ang pamilya. Saka na lang daw niya pagtutuunan ng pansin ang tawag ng pag-ibig dahil bata pa siya at hindi ito ang kanyang prioridad sa kasalukuyan.
Sumasabak ngayon si Tom sa bagong field, bilang host ng matagumpay na reality TV show franchise mula sa Germany, ang Don’t Lose The Money na nagsimula nang umere nitong Lunes.
Ayon sa pamunuan ng GMA, magaan at agad kumonekta sa contestants si Tom kaya siya ang pinili para mag-host ng exciting game show matapos itong tanggihan ni Richard Gomez.
Wala namang problema para kay Tom kung second or third choice siya. Ang mahalaga sa kanya ay mayroon siyang trabaho at enjoy siya sa kanyang ginagawa. (REMY UMEREZ)