Nanawagan si Senator Grace Poe kay Department of Education (DepEd) Secretary Bro. Armin Luistro na tiyaking hindi sobra ang mga takdang araling ipinagkakaloob sa mga mag-aaral upang hindi ito maging balakid sa matatag na relasyon ng kanilang mga pamilya.
Ayon kay Poe, kulang sa panahon ang mga magulang sa kanilang anak lalo pa kung ang mga ito ay nagtatrabaho at pagdating sa bahay, sa halip na magkaroon ng maayos na usapan, ang nangyayari ay nauubos ang kanilang oras sa gawain sa bahay.
“Dapat nating tiyakin ang sapat na oras para sa paaralan at para sa pamilya. Dapat na higit na nakikilala ng mga magulang ang kanilang mga anak at dapat ding matuto naman ang mga bata mula sa kanilang magulang sa kaaya-ayang kapaligiran. Ang isang matatag at buong pamilya ay nagiging sandigan ng isang maayos at mapayapang lipunan,” ani Poe.
Batay sa ipinalabas na 2010 Memorandum No. 392 ng DepEd, ipinagbabawal sa mga pampublikong paaralan ang pagbibigay ng mga takdang aralin sa mga mag-aaral na gagawin tuwing Sabado at Linggo.
Layunin nito ang matiyak na may sapat na panahon at pagkakataon ang mga mag-aaral na makasama at makapiling ang kanilang mga magulang, gayundin ang ma-enjoy ng mga paslit ang kanilang pagiging bata.
Ipinauubaya naman ng ahensiya sa mga pribadong paaralan ang pagdedesisyon sa takdang aralin.