Nina LESLIE ANN G. AQUINO at EDD K. USMAN

Sa harap ng matinding pangamba para sa seguridad ni Pope Francis, hiniling kahapon ng isang obispo sa gobyerno na tiyakin ang seguridad ng Papa sa pagbisita nito sa bansa sa Enero ng susunod na taon.

Ito ang panawagan ng mga lider ng Simbahan kasunod ng mga ulat na ilang umano’y tagasuporta ng Islamic State in Iraq and Syria (ISIS) ang nasa bansa ngayon.

Ito ay bukod pa sa napaulat na banta ng nasabing grupo ng mga terorista na papaslangin ang 77 anyos na Papa.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

“We have to take the precautionary measures for the safety of Pope Francis,” sinabi ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco sa isang panayam.

Ito rin ang apela ni Basilan Bishop Martin Jumoad sa gobyerno. Aniya, “It’s extremely alarming. This (report) should not be taken lightly.”

Hinimok din ng obispo ang gobyerno na solusyunan ang pangangailangan ng mahihirap upang maiwasan ang krimen, sinabing kapag napagtanto ng mahihirap na “they are not cared by the government, more lawless elements will come out.” Sinabi naman noong Huwebes ni Pangul ong Benigno S. Aquino III na iniutos na niya sa Presidential Security Group (PSG) na doblehin ang mga hakbangin upang matiyak ang seguridad ni Pope Francis sa pagbisita nito sa bansa sa Enero 15-19, 2015.

Kaugnay nito, nagbabala naman ang international security analyst na si Prof. Rommel C. Banlaoi na matindi ang “serious security concern” na nakaamba sa Mindanao at sa buong Southeast Asia dahil sa ISIS.

“It is really a serious security concern, not only in Mindanao, but the entire region of Southeast Asia, considering that there are also Muslim leaders and organizations pledging allegiance to ISIS,” ani Banlaoi.

Ito ang naging babala ni Banlaoi kasunod ng panunumpa ng katapatan ng dalawang armadong grupong Moro sa ISIS sa Mindanao kamakailan.

Sa Southeast Asia, sinabi ni Banlaoi na ang “ISIS ideology is spreading widely among Muslim extremists,” partikular na tinukoy ang Indonesia, dahil nanumpa na rin ng alyansa sa ISIS si Abu Bakar Bashir ng Jemaah Islamiyah.

Una nang nanumpa ng alyansa sa ISIS ang Abu Sayyaf at ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Bukod dito, napaulat din ngayong linggo ang umano’y pangangalap ng ISIS ng mga tagasuporta sa Marawi City at Basilan, samantala unang ibinunyag nina dating Pangulong Fidel V. Ramos at Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang umano’y pagsailalim sa ISIS training ng may 100 Muslim mula sa Mindanao.

Gayunman, kapwa inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang kumpirmasyon ang nasabing mga ulat.