MULING bubuhayin, partikular para sa kabataan, ang isa sa mga orihinal na kuwentong Pinoy at ang mabubuting aral nito sa Ibong Adarna: The Pinoy Adventure na may gala premiere sa Lunes, Setyembre 29, sa SM Megamall Cinema 9.

Tinaguriang pinakamalaking pelikula ng taon, muling itatampok sa big screen ang Ibong Adarna bilang paggunita sa ika-100 taon ng pelikulang Pilipino, sa panulat at direksiyon ng beteranong actor-director na si Jun Urbano, sa ilalim ng Gurion Entertainment, Inc.

Handog ng National Press Club (NPC), bida sa Ibong Adarna sina Rocco Nacino, Angel Aquino, Joel Torre, Leo Martinez, Pat Fernandez, Benjie Paras, Ronnie Lazaro at marami pang iba.

Sinabi ni Joel Sy Egco, pangulo ng NPC, na sa premiere showing ay magkakaroon din ng pagkakataon ang fans na makasalamuha at makapag-selfie kasama ang cast ng pelikula.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Aniya, inilunsad ng NPC ang proyekto bilang pagkilala sa mahalagang kontribusyon ng Ibong Adarna sa industriya ng pelikulang Pilipino at sa pagsasalamin nito sa mayamang kultura, paniniwala at mabubuting aral na hatid nf kuwento nito. Ang kikitain sa proyekto ay para sa kapakanan ng NPC scholars at para sa proyektong pangkalusugan ng mga kasapi ng organisasyon.

“Ang kabataan sa ngayon ay maaaring hindi na pamilyar sa kuwento ng Ibong Adarna o kung alam man ay maaaring nawalan na nang interes sa kuwento at mahalagang aral na hatid nito. Ang muling pagsasapelikula nito ay layong isabuhay muli ang aral na hatid ng Ibong Adarna para sa mga estudyante sa elementarya, high school, mga magulang at publiko,” ani Egco.

Noong 1939 unang isinapelikula ang Ibong Adarna, na nagsilbing technical supervisor si Manuel Conde, ang yumaong ama ni Urbano. Isinapelikula rin ito noong 1955 at noong 1972 ay muling naglabas ng bagong bersiyon si Pablo Santiago na pinagbidahan nina Dolphy at Rosanna Ortiz.

Ang Ibong Adarna ay tungkol sa isang ibon na ang pag-awit ay nagpapagaling sa mga maysakit.

Ito ay isang batayang babasahin para sa mga estudyante sa high school at ang pelikula ay inendorso ng Department of Education (DepEd) at National Commission for Culture and the Arts (NCCA).

Sa pagtutulungan ng NPC at ng pamahalaang lungsod ng Mandaluyong, ang Ibong Adarna: The Pinoy Adventure ay libreng mapapanood ng mga estudyante maging sa mga kalapit na lugar.