Noong una akong makarating sa Cebu City (dalagita pa ako noon), humanga talaga ako sa aking nakita: naglalakihang establisimiyento, mga gusali ng pamilihan, mga restawran at mga teatro. Kung ikukumpara ko ang aking nakita sa aking pinanggalingan, wala sa kalingkingan ng Cebu City ang Dumaguete sa larangan ng kaunlaran at ekonomiya. Ngunit nang makarating ako sa Lungsod ng Makati, talagang namangha ako. Ikinalaglag ng aking panga na may ganito palang lugar sa Pilipinas: matatayog na gusali, malalapad na kalye, may poste ng ilaw ang bawat lansangan, mga tulay na kongkreto, napakaraming sasakyan at laksa ang tao. Kung wala kang alam sa napakalaking lungsod na ito at dito ka napadpad, talaga ngang mawawala ka at malamang na matatagalan bago ka matagpuan. Talaga ngang napakaraming lugar dito na maaaring pagtaguan.
Iyon ang ginawa ni Cain nang itatag niya ang unang lungsod. Ang kanyang parusa sa pagkakapaslang niya sa kanyang kapatid na si Abel ay ang gumala kung saan-saan at walang tirahan, at pinaalis sa paningin ng Diyos. Tumugon siya sa pamamagitan ng paggawa ng sariling lungsod, ang sarili niyang mundo, na maaari niyang pagtaguan at maghanap ng kaligayahang malayo sa Diyos. Kalaunan, nawasak din ang lungsod ni Cain dahil sa malaking baha sa panahon ni Noah.
May binanggit ang Mabuting Aklat na may isa pa pang lungsod. Ang Babel ay itinayo ng mga arogante sa Diyos. Nagtapos ito sa pagguho nang lituhin ng Diyos ang kanilang wika at hindi na sila makapagtrabaho nang sama-sama. Ang paghatol ng Diyos ay mailalarawan sa isang lungsod na gumuho. Inilalarawan din sa Mabuting Aklat ang Langit bilang isang magarang lungsod, ang bagong Jerusalem. Lalo pang nakapupukaw ng interes kapag inisip natin ang sinaunang Jerusalem. Ang lungsod na ito ay may kasaysayan na puno ng paganismo at pagtanggi sa Diyos. Itinanggi rin ng Jerusalem si Jesus. Parang hindi angkop ang lungsod na ito upang masilbing huwaran para sa Langit.
Ipinararating sa atin ng Mabuting Aklat na tinububos ng Diyos ang ating bersiyon ng isang lungsod na tumatanggi sa kabanalan, umiiwas sa katototohanan at nahuhumaling sa kasalanan. Binabago ng Diyos ang ideyang ito na ating sinira at may plano Siya upang gawing itong isang lugar na nais Niyang pamuhayan.