Ni ALYSSA JANE AVELLANOSA, trainee

MATAPOS umani ng papuri sa ikasampung intallment ng Cinemalaya Philippine Independent Film Festival (Cinemalaya X), sasalang naman sa mainstream ang pelikulang Hari ng Tondo sa pangunguna ng Star Cinema sa Reyna Films Inc. at Central Digital Lab.

Ang Hari ng Tondo ay ang unang full-length movie ni Direk Carlos Siguion- Reyna mula nang magpahinga siya simula 2000. Sa panulat ni Bibeth Orteza, ang Hari ng Tondo ay tungkol kay Ricardo Villena (Robert Arevalo), isang lolo na nabankrupt at napilitang isama ang mga apo, sina Anna (Cris Villonco) at Ricky (Rafa Siguion-Reyna), pabalik sa Tondo, ang lugar na kanyang kinalakihan. Sa kanyang pagbabalik, malalaman niya ang maraming pagbabago sa kanyang lupang tinubuan at marami namang bagong kaibigan na makikilala ang kanyang mga apo kasabay ng marami ring maiintindihan sa kapaligiran sa gabay ng kanilang lolo.

Bago ginawa ang Hari ng Tondo, nakalikha ng short film si Direk Carlos, ang Choices. Tungkol ito sa reproductive health at kalayaan ng kababaihan, na ipinalabas sa ANC bilang bahagi ng ika-15 anibersaryo nito noong 2011. Si Direk Carlitos din ang nasa likod ng mga pelikulang Ligaya Ang Itawag Mo Sa Akin (1997), Ang Lalake Sa Buhay ni Selya (1998) at Azucena (2000).

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kasama rin sa Hari ng Tondo sina Rez Cortez, Lorenz Martinez, Liza Lorena, Lui Manansala, Aiza Seguerra, Carlos Canlas, Mark Tayag, Ciara Sotto, Gian Magdangal, Ali Sotto, Audie Gemora, Hans Echstien, Raul Montesa, Jelson Bay, Gino Ramirez,

Mengie Cobarrubias at Eric Quizon.

Ipapalabas na sa mga sinehan sa buong bansa ang Hari ng Tondo simula sa October 1.