INCHEON– Inaasahang gagawa ng kasaysayan si Paul Marton dela Cruz at men’s compound team kung saan ay nakatutok sila para sa unang medalya sa archery ngayon sa Asian Games.
Hindi pa nagtatagumpay ang Filipinos archery simula nang ipakilala ito noong 1978 Bangkok Games.
Ang panalo ni Dela Cruz kontra sa top Iranian archer na si Esmaeil Ebadi ang magsisiguro sa Pilipinas ng silver medal sa men’s compound individual event.
Nakatakda ang match sa alas-3:30 ng hapon sa Gyeyang Asiad Archery Field.
Bago kaharapin si Ebadi, makikipagtambalan muna si Dela Cruz kina Earl Benjamin Yap at Ian Patrick Chipeco sa labanan ng bronze medal kontra sa Iranian squad na kinabibilangan ng Majid Gheidi at Amir Kazempour sa alas-10:50 ng umaga.
Napagwagian ni Dela Cruz, 28, ang tatlong matches noong Huwebes upang umentra sa Round of 4, kasama na ang 145-141 victory laban kay teammate Yap sa Round of 16.
“I’ll just shoot and shoot my best and hope that God helps me win,” panalangin ni Dela Cruz.
Ang perfect score sa una ang umasinta kay Dela Cruz sa 141-135 victory kontra kay Sandeep Kumar sa quarterfinals.
Ang compound event ay inilaro sa unang pagkakataon.
Hangad ang posibilidad na mapagtagumpayan ang unang gold medal sa bansa, sinabi ni Dela Cruz na inaasahan niyang maging kalmado at relaxed.
“I’ll just think of my child,” saad ni Dela Cruz. “I’m asking our kababayans back home to pray for me.”
Habang may maliit na ekspektasyon nang nasa bansa pa, ipinamalas ng archers ang magandang performance sa Southeast Asian Games.
Napagwagian ng men’s team ang gold medals sa huling dalawang SEA Games.
Noong Huwebes, halos napasakamay ng men’s team ang pagwawagi sa South Korea, nabigo sa isang puntos, 228-227.
Ang Koreans ang undisputed king sa archery sa Games, kinolekta na ang 33 gold medals simula nang ipakilala ito.
CYCLING
Nakikita ni Mark John Lester Galedo ang kanyang pakikipagtambal kay Ronald Oranza bilang medal contenders sa road race event sa 17th Asian Games.
Ngunit para magawa nilang makapasok sa medal group, sinabi ni Galedo na ang kanilang teamwork ay dapat mas maging higit pa sa kanilang mga nagawa bunga ng mahahabang buwan na pagsasanay at maging ng kanilang featherlight race bikes na kanilang dinala rito.
Ang Iran, Uzbekistan, China at host Korea ang humaharang sa Pilipinas para sa tsansang makuha ang lahat ng kulay ng medalya, ngunit naniniwala si Galedo na ang kanilang tambalan ni Oranza ay mayroong pantay na tsansa sa kanilang mga karibal sa kanilang pagsabak sa Songdo bike course sa Linggo.
Ngunit ang kanyang Individual Time Trial schedule para ngayong araw muna ang kailangang isipin ni Galedo, sa kabila ng kanyang paniniwala na sa road race mas magiging maganda ang kanyang pagpapakita.
“Pantay-pantay na rin lang naman po kami ng mga kalaban e,” ani Galedo. “Sa mga naging karera namin in the past, seconds din lang ang pagitan namin. Masama na kung malamangan kami ng isang minuto.”
Bitbit ni Galedo ang dalawang race bikes – isa para sa road race at isa para sa ITT.
Ang kanyang katambal na si Oranza ay may dalang isa para sa kanilang race pairing ni Galedo.
Ang bawat bisikleta, na kanilang binili sa Taiwan, ay nagkakahalaga ng hindi bababa sa P200,000.
Ngunit ang lahat ng ito ay hindi na mahalaga sa oras na mag-umpisa na ang mga karera.
“Pare-pareho na lang naman kami ng mga kalaban. Dapat lang mag-work ang teamwork namin, may tsansa tayo na makalusot sa medalya kapag naging maganda ang suportahan namin ni Ronald,” saad ni Galedo.